SINASABING naging tagapagsalba ng maraming buhay ang bundok Sierra Madre sa nakaraang mga kalamidad. Kung hindi dahil dito, mas matindi umanong delubyo ang naranasan at mararanasan pa.
Kung kaya lumagda sa isang kasunduan na tinawag nilang Unity Statement ang mahigit 20 grupo ng people’s organizations nitong ikalawang linggo ng Marso para ibalik sa Sierra Madre ang proteksyong ginagampanan niya sa buhay ng tao. Binuo nila ang network na Arise Sierra Madre Movement na pinangunahan ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF), Step Sierra Madre at Tagalog Outdoors Tribe (TAGOT). Ang IRDF ay mahigit 30 taon nang kumikilos para sa kapakanan ng marginalized sectors ng bansa.
Ang Unity Statement ay naglalayong pag-isahin at patatagin ang proteksiyon ng Sierra Madre at kalikasan ng bansa.
Bunga ng Summit, nagkaisa sila sa sumusunod na paniniwala at paninindigan:
1. Ang bulubundukin ng Sierra Madre ay isang pambansang yaman at di mapapantayan ang papel niya bilang isang kalasag laban sa mga panganib na dulot ng climate change at mga unos na nanggagaling sa Pacific Ocean.
2. Halos kalahati ng nakatindig na gubat sa bansa ay dahil sa Sierra Madre, na nanatiling isang mahalagang kadluan ng malinis na tubig, sariwang hangin at maaliwalas na panginorin para sa bansa.
3. Sa lawak nito at ang haba nitong mahigit sa 500 kilometro, di rin kataka-taka na ang Sierra Madre ang pangunahing pugad ng biodiversity ng bansa, at dito matatagpuan ang 201 species of mammals, 556 species of birds, over 85 species of amphibians, 252 species of reptiles at iba’t ibang uri ng halaman, kahoy at herbs.
4. At sa huli, ang Sierra Madre ang tahanan ng malaking bahagi ng ating populasyon — ng mga katutubong Dumagat at Agta at mahigit sa isang milyong mahihirap na Pilipino, na karamihan ay maliliit na magsasaka at mga landless rural poor, na ang mga pamilya ay tumakas o lumikas sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay sa kalunsuran at lowland areas.
5. Subalit nakalulungkot, ang Sierra Madre ay hinahagupit ngayon ng mga pighati na dulot ng:
- Walang habas na pagtotroso, pagmimina, pagka-quarry at pangangamkam ng lupa ng ilang makapangyarihan noong nagdaang panahon, pangangamkam na nagpapatuloy sa kasalukuyan;
- Marginalization at paglabag sa karapatan ng mga katutubo at mga maliliit na magsasaka, manggagawa at mga pamilya nilang nakatira sa Sierra Madre, na nagbubunga sa napakaraming land disputes, displacement at violence;
- Mga palpak o di maimplementang programa ng pamahalaan hinggil sa reforestation, integrated socio-economic-forestry development at bio-diversity protection programs, na madalas nauuwi pa sa corruption dahil may ilang mga gahamang kumukuha sa badyet ng mga programang ito, at
- Walang pakundangang pagbibigay daan ng pamahalaan sa malalaking investors, kasama na ang mga dayuhang naglalayong kumita ng malaki sa pagpapautang tulad ng pagdevelop ng mga higanteng dam at pagkontrol sa malaking bahagi ng Sierra Madre.
6. Dahil dito, ang bumubuo sa Arise network, ay nagkaisa na palakasin ang pagbibigkis ng mga katutubo, mga magsasaka, manggagawa at kanilang mga pamilya, kasama na ang mga samahan na itinayo nila para isulong ang isang makatao, maka-kalikasan, inclusive, progressive at sustainable vision of development para sa Sierra Madre sa kabuuan at sa bawat komunidad sa partikular.
7. Sila ay naniniwala na maipagtatagumpay ang vision of development na ito kung magpupunyagi silang mga bumubuo sa Arise Summit, kasama ang iba pang kapanalig sa pamahalaan at sa malawak na civil society organizations, na bigyang buhay ang vision na ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
Patatagin ang kaisahan ng bawat komunidad batay sa vision of development sa itaas at pilitin na bawat komunidad ay maging matibay na moog na hindi pwedeng ibuwal ng iilang makapangyarihan at malalaking interes na walang iniisip kundi sirain ang Sierra Madre sa ngalan ng tubo
Walang tigil na pag-monitor sa uri ng mga programa ng pamahalaan na iniimplementa sa mga komunidad at sa Sierra Madre, na ang ibig sabihin walang tigil na engagement ng Arise Sierra Madre network sa mga opisyales ng pamahalaan sa community, local at national levels;
Pagpanday ng produktibong alyansa sa mga sympathetic na supporters mula sa pamahalaan, private sector, CSOs, schools at religious groups;
Tuluy-tuloy na pagpanday ng solidaridad sa hanay ng mga bumubuo ng Arise network at iba pang mga organized groups na kayang abutin ng network, partikular na solidarity sa sharing ng mga magagandang karanasan sa self-reliant economic development, good forest management, cooperativism sa iba’t ibang gawain at hanapbuhay na pang-komunidad, at pagpapapalakas ng mga diwa o values ng damayan, bayanihan at tangkilikan ng mga katutubo, magsasaka, manggagawa at kanilang pamilya; at
Tuluy-tuloy na follow-ups sa mga kasunduan ng Arise network at tuluy-tuloy na pag-aaral hinggil sa mga dapat na gawin ng lahat sa kolektibo o sama-samang pagkilos, kasama ang patuloy na pagpapapalaman sa vision ng makatao, maka-kalikasan, inclusive, progressive at sustainable development batay sa praxis ng mga bumubuo ng Arise network.
Kabilang ang mga dekano, layko, ekonomista, tribal representatives, farmers, fisherfolks, bikers, laborers at marami pang stakeholders na climate warriors ang malayang nakibahagi sa makabuluhang pagtitipon na nagprodyus ng naturang Unity Statement.