SIKAT NA PULITIKO KUMUHA NG RELO, HINDI NAGBAYAD?

UMIILING na ikinuwento ng aking spotter ang nakahihiyang eksena na kinasasangkutan ng isang sikat na local official mula sa isang lalawigan sa Southern Tagalog Region.

Bakit nga naman hindi, kumuha siya ng isang mamahaling sports watch sa isang tindahan sa loob ng isang highend na shopping mall sa Makati City.

Sinabi kong kinuha kasi hindi naman niya binayaran yung relo na ipinang-regalo niya sa kanyang sikat rin na misis.

Sinabi ng aking spotter na tumawag muna ang ating bida sa may-ari ng sikat na watch store at sinabing pupunta siya roon.

Dahil sikat ang ating bida ay nagmamadaling pumunta sa kanyang watch store ang negosyante sa pag-aakalang kikita siya sa kanilang magiging transaksyon.

Inabot rin ng ilang minuto ang pamimili ng relo ng sikat na pulitiko bago nya napili ang isang sports watch na nagkakahalaga lang naman ng halos P50,000.

Mura lang ito kumpara sa kinikita ng ating bida bilang isang local official pero hindi niya ito binayaran makaraang kunin mula sa nasabing watch store.

Lingid sa kaalaman ng pulitiko ay nakarating sa kanyang sikat at may breeding na misis ang ginawa ng kanyang mister.

Kaya makalipas lamang ang ilang araw ay personal na nagpunta sa watch store si misis at binayaran ng cash ang mahiwagang relo.

Hindi na kailangan ng maraming clue dahil ilan lang naman ang pulitiko na may asawang sikat rin at may mahusay na breeding.

Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]