SA ating seryeng “Kung Ako Ang Pangulo” atin namang tatalakayin ang landas na tinatahak ngayon ni Vice President Leni Robredo na isa sa mga nangungunang kandidato kung ang. pagbabasehan ay ang mga nakaraang survey.
Pagdating sa kampanya, consistent ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa mga hugutan ng warm bodies na galing sa middle class dito sa Metro Manila lalo nang i-launch niya ang motorcade nila ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kamakailan lamang.
Bagamat natalo siya kay dating Senador Bong Bong Marcos sa NCR noong 2016 elections malaki ang bilang ng mga taga-suporta ni VP Leni sa ilang gated communities ngunit hindi sa mga depressed communities. Isipin mo na nga lang na noong 2016 elections ay malaki ang lamang ni BBM sa kanya sa Quezon City, Caloocan City at iba pang lungsod na maraming bilang ng mga informal settlers.
Ayon sa mga political scientists, hindi nakapagtataka ang mahinang showing ni VP Leni sa masa lalo na sa Metro Manila dahil tila hindi nakakonekta ang kanyang partido at mga supporter na karamihan ay miyembro ng upper middle class sa mayorya ng botante. Anila, malalim ang class divide at hindi malinaw sa masa ang mensahe na kanilang pinapahiwatig lalo na sa kampanya kaya’t ito ngayon ang pilit nilang inaayos sa ngayon.
Ang mas masaklap ay nilaglag ng core group ni VP Leni, na kinabibilangan ng mga partido galing sa left-of-center tulad ng Akbayan, mga social democrats at maging ang grupo ng putschist na si dating senador Antonio Trillanes II, ang usapan sa makakaliwang grupo na kinabibilangan naman ng Makabayan bloc na tila parang nagbabawas pa sila ng boto. Matatandaan, nag threaten pa nga si Trillanes na hindi niya papayagan na makapasok ang kaliwa sa kanilang kampanya. Hayun, tatlo hanggang limang milyon sanang boto galing sa Makabayan bloc ang tila maglalaho sa magiging boto sana ni VP Leni.
Bago pa rin kasi magsimula ang deadline sa pag file ng kanilang kandidatura sa pagka pangulo, medyo na turn-off din ang mga kampo ni Senador Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno at Senador Panfilo Lacson sa kanilang usapan sa kampo ni Leni na pinangungunahan naman ng 1Sambayan. Sa halip na ma-unite ang oposisyon ay nagkanya-kanya na sila. May kasabihan nga na politics is addition pero hindi nangyari ito dahil daw sa hindi naka-level ang mga emisaryo ni VP Leni.
Ang pag-iwas ng kanyang kampo sa ibang grupo sa aking tingin, at sa tingin ng malalapit sa kanya, ay isang malaking dilemma sa kanyang kandidatura dahil taliwas ito sa kampo ni Bongbong at Sara na na nag-unite at lumalabas na mas malakas ang dating. Kung si BBM ay may solidong 14 milyong boto na galing sa Metro Manila at sa “the rest of Luzon” noong nakaraang dalawang eleksyon na kanyang sinalihan, isipin mo na nga lang kasi kung makakapag deliver pa ang kampo ni Sara na napabalitang malakas ang hatak sa Mindanao at sa Visayas lalo na sa mga Cebuano-speaking na mga probinsya.
Bagamat nasa malayong pangalawa sa huling survey ng Social Weather Station nitong buwan, hindi dapat isipin ng mga taga-suporta ni Leni na matatalo sila sa eleksyon sa 2022 gayong malinaw na nagkaisa na ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte.
Hindi pa natin alam kung ano ang kahahantungan (standing) ng tambalang BBM-Sara dahil sa Disyembre pa lamang lalabas ang survey pangpanguluhan.
Nagtataka din ang karamihan na maraming bagahe si VP Leni dahil sa tumakbo siyang independent sa kabila ng pagiging chairman ng Liberal Party. Maging ang kulay nilang dilaw na sumisimbulo sa LP ay pinalitan niya ng kulay pink na una nang simisimbulo sa mga grupo na involve sa cancer awareness.
Batid marahil ni VP Leni na maliit ang kanilang mundo pagdating sa mga solid na suporta sa mga grupo na naghahatid ng bloc voting bagamat malakas ang kanyang dating sa middle class. Subalit maliit lang ang bilang ng middle class, 20 porsiyento lamang ng populasyon sa buong bansa at ang karamihan na halos 80 porsiyento ay kinabibilangan ng low-income class o sadyang mahirap talaga—at karamihan sa kanila ay nakatira sa mga depressed community. (1.4% lang po ang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang sinasabing high-income at di pa kasama diyan ang mga multi-bilyonaryo na halos wala pang isang daang pamilya)
Bagamat solido ang plataporma ni Leni at ng mga nagsusulong nito, karamihan sa mga ito ay nasa larangan ng health care, agrikultura at pag-realign sa budget. Wala pa rin siyang malinaw na plano tungkol sa mas malawak na galaw pagdating sa ekonomiya. Meron ba siyang blue print ng pag-unlad o wala katulad ng build-build-build ni Pangulong Duterte na naka focus sa major infrastructure projects tulad ng railways, malalaking tulay at expressway, mga malalaking development sa mga pantalan at paliparan at pag develop ng Clark at Subic?
Kung ang masa ang tatanungin mo, mas gusto nila yung direktang makakatulong sa kanila katulad ng pagkain, pabahay, trabaho at seguridad sa komunidad.
Sa ngayon kasi, isang matining na kritisismo sa kanyang kandidatura ang pag etsepwera niya (o ng kanyang grupo) sa ilang grupo na sa tingin nila ay hindi dapat isama. Batid ni Leni ang mga bumabakod sa kanya kaya’t ang payo sa kanya ng ilang malalapit na kaibigan ay yakapin ang mga potensyal na kakampi. Iyon lang ang natatanging paraan upang madagdagan ang boto niya.
Isa pang ipinayo ng ilan niyang kaalyado ay ang pag-iwas sa masyadong maraming islogan at mga islogan na hindi makakonek sa masa tulad ng naiwan ng kanyang predecessor tulad ng “kayo ang boss ko” at “walang korap kung walang mahirap”. Napatunayan ýan nang ilaglag ang LP sa nakaraang dalawang eleksyon (2016 at 2019).
Malayo pa naman ang eleksyon kaya’t inaasahan ng kanyang mga supporter, lalo na yung mga nasa grassroots na pagi-ibayuhin niya kampanya na hindi masyadong nakadepende sa mga taong inaakala niyang hindi naman talaga makakatulong. Beware of the haut(e) monde and beau monde at doon ka sa hoi polloi, ika nga.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]