Hindi pa man nagsisimula (matutuloy ba?) ang schedule ng laban ni Senador Manny Pacquiao kay Errol Spence Jr., sa US ay mas nauna pang tumunog ang bell para sa Round 1 ng political boxing match dito sa Pinas.
At nagsimula na nga ang boxing. Pero teka muna, totoo bang boxing ito? Marami kasi ang hindi naniniwala na sa sa limang taon sa poder ni Pangulong Duterte ay ngayon lang natin nakita si Pacman na unti-unting bumibira sa Pangulo gayong magkasama sila sa ruling party na PDP-Laban.
Kasama na d’yan ang madalas n’yang pagliban sa mga session sa Senado at nung siya ay miyembro pa ng House of Representatives bilang kinatawan ng General Santos City.
Sa ating pagtatanong sa sources sa loob ng partido, mukhang inunahan na ni Pacquiao ang “pag-upak” sa administrasyong Duterte sa larangan ng foreign policy (West Philippine Sea) at corruption sa pagkakaintinding hindi siya ang tunay na iiendorso ng Pangulo.
Mali ba ang reading ni Senador Pacquiao sa mga pangyayaring nagaganap sa loob ng PDP-Laban kaya’t kailangan n’yang agawin ang inisyatiba na maging oposisyon?
Ang sagot sa katanungang iyan ay naka batay sa mga taong nakapaligid kay Pacman at kung paano nila basahin ang nasa utak ni Pangulong Duterte.
Dapat din kasi niyang alalahanin na pagdating sa pulitika, hindi mo basta mababasa ang tunay na intensyon ni Pangulong Duterte dahil na rin sa pabago-bago nitong galaw.
Nito lamang ay nagpanting ang tenga ng Pangulo at pinagsabihan si Sen. Pacquiao na namumulitika na at sinungaling sa isyu ng korapsyon. Nangako pa ang pangulo na araw-arawin n’ya ang pagtira kay Pacman kapag hindi n’ya napatunayan ang alegasyon ng korapsyon sa loob ng kanyang administrasyon.
Gumanti naman si Pacquiao at nagsabing bakit di simulan ang imbestigasyon sa Department of Health na inaakusahan n’yang mataas ang level ng korapsyon.
Sa ngayon ay hihintayin pa natin ang susunod na galaw ni Pacman. Magsisiwalat ba siya ng katiwalian sa DoH at magpapakita ng ebidensya lalo na sa procurement ng mga bakuna at kagamitan laban sa Covid-19?
Ang mga susunod na mangyayari ay masusi nating aabangan. Magiging madugo na ba kaagad sa unang round pa lamang o mag-gigirian pa lang muna?
Malaking isyu din sa oposisyon na nagtutulak kay Vice President Leni Robredo na tumakbo bilang Pangulo sa 2022 ang paglutang ni Pacquiao dahil lumalabas na kamamatay pa lamang ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay na-agaw na niya ang momentum sa mga ito.
Sa mga nag-aaral ng pulitika, lumalabas na ang paglutang ni Pacquiao ay isang malaking “media coup” dahil na focus na kaagad ang atensyon ng publiko sa hidwaan nila ng Pangulong Duterte.
Nagsisimula pa lang po ang Round 1 kaya’t malalaman natin kung mapapantayan ba ni Pacman ang galing niya sa boxing kung ikukumpara sa mga galaw n’ya sa pulitika dahil alam n’ya na si Pangulong Duterte pa rin ang masusunod sa bandang huli kahit sumama pa sa kanya ang paksyon ni Senador Koko Pimentel.
Kung hanggang saang round aabot ang boxing na ito ay hindi pa natin alam…basta ang alam ko lang, umpisa na ng boxing hanggang sa 2022.