“UBUSIN ang pagkain! Huwag magtitira at maraming nagugutom.”
Iyan ang mga salitang madalas kong marinig sa nanay ko noon. Kapag may natapon na bigas, bawat butil ay maingat niyang pinupulot at sinasabi sa aming magkakapatid na kapag hindi pinulot ang bigas, isa-isa itong ipapapulot ni San Pedro kapag namatay at napunta sa langit. Kahit hindi ko naiintindihan ang rason niya ay tumalima ang musmos na kaisipan na ang tanging kinikilalang batas noon ay ang salita ng magulang.
Bilog ang mundo sabi nila. Ganyan din ang naging buhay namin. May panahong masagana at may panahon ng taghirap. Taghirap noong magsimula na kaming mag-aral ng sabay-sabay sa high school at kolehiyo. Sa high school ay nagawa kaming itaguyod na makapag-enrol kahit puro utang ang pinangmulan ng tuition fee.
Lima kami noon na sabay-sabay. Karaniwang pinakamaraming bilang sa kasaysayan ng mga enrollees. Kaya ganun kabigat ang pasan- pasan ng aming magulang. Ganun din noong magkolehiyo. Iba lang talaga ang business acumen o diskarteng malupit ng nanay ko kaya keri lang niya kahit na kapag nauubos ang puhunan niya sa paninda dahil sa bayarin sa tuition ay kumakapit siya sa loan sharks. Alam kong puro latay at insulto na siya sa mga taong pinagkakautangan subalit marubdob ang pananalig niya sa kahalagahan ng edukasyon. Hindi naman namin siya binigo. Lahat ay nakatapos at nagkatrabaho.
Level up na ba kami ngayon na may mga rekurso na? Paano ba sinusukat ang kahirapan? Sa pagkain, pananamit, taas ng pinag-aralan at pagkakaroon ng permanenteng masisilungan ba ibinabatay? Sa bilang ng sasakyan at ari-arian, sa dami ng alahas at pera sa bangko?
O sa pakiramdam na magaang at payapang pagtulog sa gabi kahit may mga tangible na kakulangan pa rin?
Kung pagbabatayan ang istandard ng mga data analysts at policymakers, nakabatay ang sukat sa mga konsepto at paraan, kabilang na ang kasalukuyang kalalagayan o sirkumstansya ng bawat tao, ng bawat pamilya. Nasusukat din ito batay sa tinatawag na official poverty measure (OPM) na nagkukumpara sa kita bago mabuwisan kontra sa matitirang kita pagkatapos iawas ang gastos sa mga batayang pangangailangan sa araw-araw.
Kalahati ng lahat ng pamilyang Pinoy ang ikinokonsidera ang sarili na mahirap, ayon sa survey ng Social Weather Stations. Marami ang minimum wage earners na P570 ang kita kada araw. Dumidiskarte sila sa pamamagitan ng di sustenidong maliliit na negosyo. Medyo mapalad o sinasabing panalo na kapag may regular na pinagkukunan ng kita at may sideline pa. Subalit mas marami rin ang nasa ilalim pa ng poverty line.
Bandang alas diyes ng gabi, nagsisimulang ilatag ni Aling Medy, edad 50, kasama ang limang taong gulang na apong si Lester, ang naipong mga kahon upang higaan sa ilalim ng tulay ng MRT station. Madalas ko silang madaanan tuwing bibisitahin ko ang aking kapatid at kamag-anak malapit sa lugar. Hiwalay raw sa asawa si Aling Medy, boluntaryong kuwento niya nang minsang abutan ko sila ng burger at mineral water mula sa katapat na convenience store. Bago matulog, maingat na kinukumutan ni Aling Medy ng gulanit na plastic ang kahoy na kahon na naglalaman ng panindang sari-saring kendi at sigarilyo. Ito raw ang tanging pinagkukunan nila ng kaunting kita. Wala pa naman daw araw na nabokya sila, subalit pinakamatumal na ang bente pesos na kita. Pinaiikot niya ito sa pagbili ng paninda. Wala naman siyang reklamo aniya basta’t hindi sila dinadapuan ng sakit na maglola.
Kung may panukat ang gobyerno, mga eksperto at mga mananaliksik sa kahirapan, para sa akin ang totoong sukatan ay batay sa kung paano mo ito nararamdaman. Mahirap kami noon at salat sa materyal na mga bagay subalit parang mayaman na rin dahil pinili ng aking mga magulang na dalhin kami sa mahuhusay na institusyong pang-edukasyon at payabungin ang tanging yaman namin, ang kahiligan sa pagkatuto. Dahil dito, pakiramdam ko isa kami noon sa pinakamayaman sa aming lugar, sa kabila ng panlilibak ng mga kapitbahay at kaanak. Madalas kong makita ang aking nanay noon na sinasabihang ambisyosa; na bakit daw ang lakas ng loob niyang magpaaral gayong isa lamang siyang maliit na negosyante.
Walang depinisyon sa akin ang kahirapan. Subalit alam ko, ramdam ko kapag kapiling ko siya. Alam ko kung paano kumalam ang sikmura. Alam ko kung paano mag-alala sa mga bayarin sa araw-araw. Alam ko kung paano manikluhod kapag kapakanan na ng anak ang naka kompromiso. Pagkain noon ang pangunahing suliranin sa mga lumalaking mga anak, lalo pa at mga lalaki na likas at mas malakas ang gana. Naiisip ko rin na hindi basta pagkain kundi masustansiyang pagkain ang kailangan para sa paghubog ng kanilang kaisipan o mental development. Kapag hindi ko kinakayang ihatag ito, pakiramdam ko ako ay bigo bilang magulang.
Relatibo at nagbabago ang mukha ng kahirapan. Yung akala mo mahirap dahil nagtitinda lang ng kakanin ay siya palang kumikita ng limpak limpak sa malinis na paraan. Yung ordinaryo namang clerk sa gobyerno na akala mo maliit ang kita ay malakas pala ang kita sa ibang gawaing illegal gaya ng pagiging fixer. Wala sa trabaho, natapos o kalagayan sa lipunan para masabing mayaman o mahirap ang isang tao. May mga taong maraming ipon sa bangko pero naglalakad lamang at walang kotse. May mga nagrerenta lamang at walang sariling bahay na masasabi subalit samu’t sari ang negosyo. Mapanlinlang ang naturang termino.
Baduy o hindi “cool” pero totoong ang kahirapan ay isang romantisismo. Pinapalala lamang nating ito habang ating dinidibdib.