TATLONG mahistrado o judges ang bumubuo ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court na nagbigay-kapangyarihan sa ICC Office of the Prosecutor (OTP) na imbestigahan ang libo-libong kaso ng crimes against humanity of murder, torture, and other inhumane acts na ginawa umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sila’y sina Judge Péter Kovács (presiding judge); Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou; at Judge María del Socorro Flores Liera.
Nakabase sa The Hague, The Netherlands ang ICC.
May tatlong trigger mechanisms na nagbubunsod ng panimula o preliminary investigation ng OTP sa mga krimeng pinarurusahan ng Rome Statute:
Una, kapag may isang state party sa Rome Statute na nag-refer sa OTP ng sitwasyon sa isang bansa.
Ikalawa, sa sandaling mismong UN Security Council ang nag-refer sa OTP ng sitwasyon sa alinmang bansa, maging yaong di nagpatibay o nag-ratipika ng Rome Statute.
Noong 2005, ni-refer ng UN Security Council sa ICC Chief Prosecutor ang sitwasyon sa Darfur, Sudan. Di niratipika ng Sudan ang Rome Statute. Subalit batay sa resolusyon ng UN Security Council, nagsagawa ang ICC Office of the Prosecutor ng imbestigasyon sa mga kaso ng war crimes at crimes against humanity. Batay sa kahilingan ng OTP, naglabas din ng arrest warrant ang ICC laban kay dating Sudanese President Omar Al-Bashir.
Nakapangyayari ang resolusyon ng UN Security Council sa lahat ng bansang kasapi ng United Nations.
Dahil sa napakalupit at makahayop na katangian ng genocide, crimes against humanity, at war crimes, itinatakda ng Rome Statute na maaaring imbestigahan ng ICC Chief Prosecutor ang sinumang indibidwal, kapag may makatwirang basehang gumawa o gumagawa siya ng mga ganitong krimen. Saanmang sulok ng daigdig.
At ikatlo, kung mismong ICC Chief Prosecutor ang nagpasimuno ng gayong imbestigasyon, ayon sa sarili niyang inisyatiba o kusang-palo. Proprio motu, sa wikang Latin, ang tawag dito.
Tanging sa huling pagkakataong ito itinatakda ng Rome Statute na kailangang humingi ang ICC Chief Prosecutor ng awtorisasyon o pahintulot mula sa ICC Pre-Trial Chamber bago siya makapag-imbistiga. Ito’y upang maiwasan ang anumang pang-aabuso ng ICC Chief Prosecutor ng kanyang kapangyarihan.
Ayon kay dating ICC Chief Prosecutor Fatou Bensouda, ipinatupad sa buong bansa ni Duterte, mula nang mahalal siyang presidente, ang pagpapapatay ng 12,000 hanggang 30,000 sibilyan sa ngalan ng kontra-sibilyang “digmaang kontra-droga”.
Nauna umano itong ipinag-utos at isinagawa ni Duterte noong mayor pa lamang siya ng Davao.
Ito ngayon ang sinisiyasat ni ICC Chief Prosecutor Karim Khan, isang human rights lawyer mula sa United Kingdom, makaraang bigyan siya ng pahintulot noong 15 Setyembre 2021 ng ICC na magsagawa ng preliminary investigation sa libo-libong kaso ng crimes against humanity laban kay Duterte.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]