Panibagong buhay sa 40,000 MILF soldiers

NASA 40,000 mga miembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nais magbagong-buhay matapos ang masidhing karanasan nila sa mga giyera kontra militar at pulis ng gobyerno.

Isinuko na rin nila ang kanilang mga baril at iba pang mga armas bilang bahagi ng peace agreement ng gobyerno at ng MILF ilang taon na ang nakalipas.

Binigyan naman ng gobyerno ang bawat miyembro ng BIAF (Bangsamoro Islamic Armed Forces) ng P100,000 cash bilang kapalit ng pagsurender ng armas at bilang bahagi rin ng commitment nito sa peace agreement with the MILF.

Sa isang payout na aking pinuntahan sa Sultan Kudarat, kinausap natin nang masinsinan ang ilang miyembro ng BIAF matapos silang makatanggap ng P100,000 cash mula sa Department of Social Welfare and Development.

Isang bagong buhay para sa kanila ang mabigyan ng cash at nangakong gagamitin nila ito sa mga maliit na negosyo o kaya naman ay pambayad sa tuition ng kanilang mga anak.

Mayroong bibili ng motor at gagamitin bilang habal habal sa kanilang lugar. Mayroon din gustong mag-buy-and-sell ng mga isda at ibebenta sa mga talipapa at mga restaurants.

Mayroon din bibili ng mga kambing, pato at mga manok na padadamihin at saka ibebenta rin kalaunan.

Once in a lifetime para sa kanila na makatanggap ng malaking cash at marahil hindi na mauulit ito sa kanila.

Lahat sila ay iwinawaksi ang magbitbit ulit ng armas at sumabak sa digmaan. Sabi nila, ayaw na nila maulit ang giyera at ayaw na ayaw nilang maranasan ito ng kanilang mga anak o mga apo.

Iilan lamang sa kanila ang magiging successful sa paggamit ng tama sa perang natanggap nila. Paano na kapag naubos na ang P100K? Ito ang malaking katanungan sa MILF at government peace panel.

Ang mahalaga ngayon ay ang mga kasunod na programa na ipatutupad ng pamahalaan matapos ang pamimigay ng P100,000.

Abangan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]