Pagbubukas-Haraya

(Editor’s note: Si Perfecto Caparas ay beteranong mamamahayag. Nagsulat sa Manila Times at staff writer ng Kalatas Paggawa, isang pahayagang manggagawa noong panahon ng Batas Militar. Boyet, kung tawagin ng kanyang mga malalapit na kaibigan, ay kasalukuyang international human rights lawyer na nakabase sa Estados Unidos.)

HINDI natin matatanggihan ang paanyaya ng ating kaibigang si Mat Vicencio na mag-ambag bilang kolumnista sa news website na ito. ‘Di pa marahil naiimbento ang katagang online, magkaumpugang-balikat na tayo ni pareng Mat.

Isa pa, bakit tatanggi ang isang manunulat sa paanyayang sumulat? Lalo pa’t ang pahayagang ito ang tinatangkilik ng mambabasa? Para kanino sumusulat ang isang manunulat?

Haraya ang pangalan ng ating kolum. Sinasaklaw ng katagang ito ang kalawakan ng ating kapasidad bilang tao sa larangan ng kaisipan, ng mentalismo. Angkin natin di lamang ang kakayahang mag-isip, magsuri, at magtaya, kundi maging ang abilidad na maging mapanlikha, umimbento, at magbuo ng samutsaring imahe sa ating diwa.

Maraming henerasyon na rin ng manunulat ang iniluwal ng ating bayan. Silang mga naunang namayapa na – Rogelio Sikat, Roger Mangahas, Lilia Quindoza-Santiago, Edgardo Reyes.
Hinasa’t pinanday ng mga hamon ng kanilang panahon ang kanilang panitik. Sa larangan ng peryodismo, nauna na ring pumalaot sina Chit Estela, Joy de los Reyes, Pocholo Romualdez, pawang mga editor na nagpatalas sa kakayahan ng mga reporter.

Buhay na dugong dumadaloy sa ating mga ugat ang panulat. Nananalaytay sa mga kataga ang mga dugo’t likido ng ating kasaysayan at lipunan.

Salamat sa ating kaibigang si Mat Vicencio sa pagbubukas ng pagkakataong maglingkod sa inyo.

Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]