MATAGAL ko nang sinasabi na lahat ng mga may hawak ng drivers license sa bansa ay dapat isama sa refresher course.
Well, exclusive ninyong malalaman ngayon dito sa Free Spits at Pinoy Publiko na ikakasa na po ang programang ito very soon.
Ayon sa aking source sa Land Transportation Office, ang memorandum para sa drivers’ refresher course ay napirmahan na at naghihintay na lamang ng takdang panahon para ipatupad.
Sa ilalim ng programang ito ng LTO, lahat ng mag-re-renew ng kanilang lisensiya ay kinakailangan dumaan sa isang 5-hour driving rules and ethics seminar at kumuha ng kaukulang driver’s test bago maibibigay ang kanilang bagong lisensiya.
Layunin ng programang ito na bigyan ng modernong kaalaman sa traffic and driving rules ang mga motorista na natuto magmaneho through informal education, yung pagpapatakbo lang ng kotse ang natutunan.
Base sa memorandum, idadaan sa mga driving schools ang 5-hour seminar at maaaring online ang pag-aaral o physical or personal lecture sa driving schools.
Matapos ang 5-hour lecture ay sasailalim sa isang comprehensive test ang lahat ng mag-renew ng license upang matukoy kung sila ay pasado o bagsak kumuha ng license.
Kung bagsak ay ulit muli sa test.
Ok na sana ang programa kaso ang hindi malinaw ang mga controls.
Alam naman natin na napakadali sa mga driving schools magpalusot sa mga “special clients” nila (read nagbayad ng mahal) para lusutan ang rules na ito.
Hindi rin malinaw kung sino ang hahawak ng testing procedure, LTO ba o ang driving school.
Basta ang malinaw ay lahat ng renewal ng drivers license ay sasailalim sa 5-hour refresher course at ito ay ay magkakahalaga ng P1,500 kada lisensiya.
(PS: Isang linggo tayo naghintay ng sagot sa paglilinaw na hiningi natin mula sa DOTr pero wala tayong natanggap na sagot)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]