NAGDIRIWANG ngayon ang Malacañang sanhi ng pagpapaliban ni Chief Prosecutor Karim Khan ng International Criminal Court ng imbestigasyon ng mga kaso ng crimes against humanity kaugnay ng pamamaslang ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 katao.
Dahil ito sa kahilingan ng gobyerno.
Idinahilan, di kasi naman, ng pamahalaan ang “reinvestigation” na isinasagawa ng Department of Justice sa 52 kaso ng pamamaslang ng pulisya sa mga sibilyan.
Luminaw sa gayong hakbang ng estado ang layunin nitong makaiwas sa ICC investigation. Ito’y sa pamamagitan ng pagpapaliban, kung di man ganap na pagpapatigil, ng imbestigasyon ng kasong crimes against humanity base sa minaniobrang “reinvestigation”.
Subalit napakalaki ng pagkakaiba ng “reinvestigation” ng DOJ sa sinuspindeng preliminary investigation ng ICC Office of the Prosecutor.
Ang simpleng kasong murder, kung di man homicide, sa ilalim ng ating Revised Penal Code (RPC) ang ginagamit ng DOJ sa “reinvestigation”.
RA 9851
Taliwas ang ganitong anggulo at paraan ng pagsipat ng DOJ sa naganap na targeted killings ng libo-libong sibilyan – di lamang 52 kaso – sa isinasaad ng ating sariling special law. Tinagurian itong Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity sa ilalim ng Republic Act 9851 (RA 9851).
Nagkabisa ang RA 9851 noong Disyembre 27, 2009. Ito’y 15 araw makaraang ilathala sa Official Gazette ang naturang batas noon ding Disyembre 11, 2009. Ito ang mismong araw ng paglagda at pagsasabatas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng RA 9851.
Bakit tila binabalewala ng DOJ ang Section 6 ng RA 9851? Isinasaad ng probisyon nito:
Other Crimes Against Humanity. – For the purpose of this act, “other crimes against humanity” means any of the following acts when committed as part of a widespread or systematic attack directed against any civilian population, with knowledge of the attack:
Willful killing
Rome Statute of the International Criminal Court
Suriin naman natin ang isinasaad ng Article 7 ng Rome Statute of the International Criminal Court:
Crimes against humanity
1. For the purpose of this Statute, “crime against humanity” means any of the following acts when committed as part of a widespread or systematic attack directed against any civilian population, with knowledge of the attack:
(a) Murder
Pansinin ang pagkakapareho ng lengguwahe ng RA 9851 at ng Rome Statute – “widespread or systematic attack directed against any civilian population”.
Hango kasi sa Rome Statute ang RA 9851.
Kung gayon, bakit tila pinalalabas ng DOJ na ordinaryong krimen lamang ng murder o di kaya’y homicide sa ilalim ng RPC ang naganap na malawakan, organisado, at sistematikong pag-atake at pamamaslang sa libo-libong sibilyan?
Balikan natin
Bago pa man makapanumpa bilang pangulo, paulit-ulit nang nanawagan si Pangulong Duterte na pagpapatayin ang mga sibilyang sangkot umano sa droga at krimen. Ito’y makaraang ideklara ang kanyang pagkapanalo sa eleksyon noong Mayo 9, 2016.
Huwag nating kalimutan: makaraan ang kanyang mga pahayag, pag-uutos, at pagbibigay-pabuya sa mga pamamaslang, sunod-sunod na bumulagta sa buong bayan ang duguang bangkay ng mga sibilyan. Kabilang sa pinagpapapatay ang mga abogado, aktibista, at tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao.
Ikinatuwa pa ng pangulo ang tinaguriang “one-time, big-time operation” na ikinasawi ng maraming sibilyan sa kamay ng pulisya.
Inihalintulad pa niya ang kanyang sarili kay Hitler.
Hindi ordinaryong krimen, kung gayon, ang naganap na pamamaslang sa ilalim ng pamahalaang Duterte. Bagkus, nabibilang ito sa malulubha at kahindik-hindik na anyo ng human rights violations na pinarurusahan mapasailalim man ng RA 9851 o ng Rome Statute of the International Criminal Court.
Mapasailalim man ng Rome Statute o ng ating sariling RA 9851, crimes against humanity ang malaganap na pamamaslang na ipinag-utos umano ni Duterte.
Kung tutoo ngang tapat at malinis ang hangarin ng gobyerno sa pagsasagawa ng “reinvestigation”, bakit hindi ang krimeng Other Crimes Against Humanity sa anyo ng willful killing sa ilalim ng Section 6 ng RA 9851 ang ginagamit nilang lente at pangsipat sa pamamaslang ng libo-libong sibilyan?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]