UNA sa lahat, masaya at masaganang 2024 sa ating lahat!
‘Yan ang number one kong hiling sa papasok na bagong taon.
Syempre, hindi naman basta uulan na lang ng pera, maraming pagkain, bahay o kotse noh.
Kailangang pagtrabahuhan natin ito, against all odds, sabi nga.
Pangalawa.
Kaayusan sa West Philippine Sea.
Sa minimum, ma-neutralize ang China sa pambu-bully niya sa Pilipinas at iba pang bansa na ninanakawan niya ng karapatan sa Exclusive Economic Zones (EEZ) o sinasakop niyang parte ng teritoryo ng Pilipinas at ibang kapitbansa.
Sa maximum, tuluyang matigil ang tumitinding aggression ng China at kilalanin ang rules-based international order, gaya ng decision ng Permanent Court of Arbitration (PCA) nung 2016 pabor sa Pilipinas (eto ang wishful thinking)
Binibida ng China na isa siya sa mga unang bansa na pumirna sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) tapos nung ibinaba ng PCA, hindi kikilanin.
Masyadong paladesisyon na lumalaro lang pala at pinapadama tayo.
Sa ngayon, under intense at constant international pressure ang China na itigil ang harassments at kilalanin ang rules-based order pagdating sa issue ng West Philippine Sea.
Kumbaga, isolated siya sa community of nations, bagay na malaking ganansya ng Pilipinas para gamitin ito at mahikayat kundi man ay mapwersa ang China na makipagdayalogo sa Pilipinas at mga bansang ginigipit nya sa South China Sea.
Wala pa ring sinasabi si Marcos Jr kung ano ang panibagong paraan o paradigm shift niya sa pag-deal sa Chinese incursions na pinalutang nya nung December 19 para mabawasan ang tension sa region.
Pero ang paghimok ni Marcos Jr sa stakeholders at supporters na pumusisyon ay isang paraan ng harvesting the gains na ating nakakamit sa labang ito.
Ang isang malinaw, ii-involve nya ang sinasabi niyang “regional partners sa Indo-Pacific and the rest of the world” kung kinakailangan.
Tingin ko rito, iko-consolidate nya ang mga bansang may territorial at maritime claims sa iba lang features o islands sa South China Sea, mga kaalyado at supporter sa paninindigan ng Pilipinas na naka-angkla sa arbitral decision.
Mas organized, sustained, concrete at doable ang pwersa ng isang declaration ng unity at action kasama ang China na nakabase pa rin sa rules-based order.
Ito ang isang bagay na madalas kong i-push na hindi pa natin nagagawa na kapag inatrasan ng China ay lalo siyang maa-isolate.
Wala lang sanang hand diyan ang US na madalas makialam at magsulsol ng gyera dahil malalaos agad ito bago pa man sumikat. Nabanggit kasi niya ang salitang “Indo-Pacific” sa kanyang statement na US lang naman ang madalas gumamit nyan sa kanyang military strategy.
Pangatlo.
Payagan ang International Criminal Court (ICC) na mag-imbestiga sa patayan sa droga ni dating Presidente Digong Duterte.
Mahigit 6,200 ang official count ng mga pinatay sa drug war at kasong crimes against humanity ang isinampa laban sa Duterte gang.
Ibig sabihin, kailangang pumayag si Marcos Jr na ipaaresto ang Duterte gang para makadalo sa ICC hearings na required ng korte.
Although sa interview nitong Martes December 26, 2023 ng Frontline Tonight, sinabi ni Atty. Rommel Bagares, executive director ng Center for International Law, posibleng litisin sila Duterte kahit wala mismo sa ICC bagaman bihira ito mangyari.
Pero ang mas mabigat na pinunto ni Atty. Rommel ay tungkol sa sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi magko-cooperate ang Pilipinas sa ICC pero, hindi rin nila pipigilan.
Ang tawag nga raw dyan ni Atty. Rommel is “non-cooperation but non- interference.”
Para sa akin, safe na position, lumalaro sina Marcos sa mga Duterte para hindi sila totally i-blame.
Kumbaga pang-neutralize kina Digong na umayos sila kung ayaw nilang arestuhin ng gobyerno at i-turn over sa ICC.
Pero dahil hindi na nga member ng ICC ang Pilipinas, hindi naman talaga obligado ang gobyerno na ipaaresto sina Duterte, Bato, etc.
Kaya I doubt it kung babalik ang Pilipinas sa fold ng ICC.
Pang-apat.
Peace talks sa National Democratic Front.
Sa gitna ng lumalalang tension sa China, mahinang ekonomiya, kahirapan at gusot sa mga Duterte, hindi kailangan ni Marcos Jr ng tumitinding domestic problems at paglakas ng armed revolution.
Kung totoong humina na ang sinasabi niyang internal threat mula sa mga insurgent, at kailangan mag-refocus sa banta ng external aggression o ng China, lumalabas na nasa “upperhand” ang gobyerno sa domestic insurgency.
Ibig sabibin, nasa gobyerno ang bola para patunayan na kaya nitong tapusin ang gyera nito sa mga rebelde lalo na kung seryoso itong manaig ang kapayapaan at kasaganaan sa bansa.
Alam naman nating nagrerebelde ang mga tao basically dahil sa kahirapan.
Posible pa ngang makatulong at makatrabaho ng gobyerno ang mga rebelde sa pagtindig laban sa China.
Mas sigurado ako sa loob ng isang taon ay peace talks ang mananaig bago ang mga aktwal na kasunduan para maitaguyod ang kapayapaan base sa social justice at iba pa.
Ang tanong lang is hanggang saan o ano ang kayang ikompromiso ng NDF sa usapang pang-kapayapaan?
Ang negosasyon ay may mga isusukong agenda na pansamantala o permanente, depende.
Bukod sa safety at security ng negotiators, consultants at iba pang partipants sa talks, ceasefire at pagpapalaya sa political detainees, hihingin din bang kondisyon o isasama sa agenda ang:
Pag-amin at pag-sorry ng Marcoses sa mga krimen ng yumaong diktador na tatay sa panahon ng martial law, pagbalik sa kaban ng bayan ng natitirang ill-gotten wealth at iba pa?
Para lumaki ang tsansa na mag-succeed ang peace negotiations, susi ang malakas at maingay na suporta at pakikialam ng madlang pipol hanggang sa nilalaman ng economic, political at military agenda ng dalawang partido dahil ang tatlong usapin na yan ay tumatagos sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.
Sa ngayon, yan munang apat ang kasama sa priority wishlist ko next year.
Kung meron mang gut-felt need na wish kong i-deliver ng gobyernong Marcos, yan ay ibaba talaga ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Para sa sarili, sana yumaman na ako sa 2024, lol!