NAGUTOM ka na rin ba?
‘Yung hindi kayo nakakain ng isang meal sa loob ng isang araw?
Pag nagkataon pasok pa rin kayo sa ginawang last quarter survey ng Social Weather Stations, December 8-11, 2023:
Involuntary hunger ang tawag nila riyan.
Higit 12 sa kada 100 na mga Pinoy ang nakaranas ng gutom, ayon sa survey, pinakamarami sa ilalim ng Marcos administration.
Sinama ko na rin sarili kodiyan kahit hindi ako na-interview sa survey.
Baka nga mas malala ako dahil nagdire-diretso naman ang naranasan kong gutom – twice a day na lang ako kumakain kada araw.
Kahapon lang sinamahan ko kapatid ko mamalengke.
Pero no regrets kasi blessing in disguise pa nga: nabawasan timbang ko at dahil mistulang fasting ang ginagawa ko, nakatulong sa kalusugan ang pagkain lang ng twice a day.
Naalala ko ang isa sa host namin noon sa investigative show – 6 am to 6 pm ang routine ng pagkain nya at nakita ko talagang effective dahil nabawasan ang timbang dahil nabawasan ang pagkain niya ng rice.
Ako pa naman ang nangarap noon na magbabawas para sakto lang weight pero di ko magawa mag-exercise at mag-diet. Ang hirap at wala talaga akong disiplina haha. Basta’t may pagkain, lamon lang hahaha.
Pero sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo ng ng bigas, mapipilitan ka talagang magtipid sa food o mag skip ng pagkain.
Ang milled na bigas P58 na, noong March “57 lang. Ba’t ganun?
Ang manok – P190 per kilo e nung isang buwan P185 lang.
Kaya minsan, mas pinipili ko na lang bumili ng lutong ulam, kahit papanu malasa naman, di na sumakit ulo mo sa pamimili, di ka pa nagpawis sa pagluto.
Ang nakakatakot yung Liquefied Petroleum Gas – nitong Martes, April 16 dagdag na P 0.85 kada kilo! E nung April 9, tumaas na nga ng P1.40, tama ba yun?
Nagbaba nga nung April 1 pero bumawi naman ng mas mataas. Pinagloloko-loko tayo.
P101.20 pero 11 kg na tangke or P9.20/kg nitong Abril, tapos magdadagdag pa ulit.
Kaway-kaway naman ang mga nagbabalik-uling dyan!
Hindi ako nagtataka kung bakit number one pinoproblema ngayon ng pito sa bawat 10 Pinoy, ang pagtaas ng pangunahing bilihin, base sa March 2024 Ulat sa Bayan survey ng Pulse Asia.
Paano na lang ang mga magsasaka na naghihintay ng ani bago magkapera at makakain?
Minsan may katotohanan din sa sabi-sabing, kung sino pa ang magsasaka, sila pa ang walang makain.
Lumipad na ang pangakong P20 per kilong bigas.
Tapos sa latest survey ng Philippine Statistics Authority nung February na inilabas lang nitong April 11, merong 1,800,000 plus na Pinoy ang tulad kong jobless. Bumaba pa nga yan mula sa 2.47 million nito ring January. Pero halos two million pa rin ang walang trabaho, panu pa kaya ang makakain?
Hindi rin masisisi maraming Pinoy na mag-abroad kahit ayaw nilang mahiwalay sa pamilya.
Hanggang kelan ba tayo ganito. Kahit ano’ng pagsusumikap maghanap ng trabaho o rumaket, purdoy pa rin. Kung hindi mabagal, parang walang asenso.
Habang may family feud sa pulitika ang presidente at bise presidente, nagrerebolusyon naman ang mga bituka ng maraming Pinoy.
Sige, fighting lang.