WE saw this coming.
Pero hangga’t hindi final, validated at revalidated ang resulta ng katatapos na botohan, wag ibaon sa isipan at wag pakasiguro ng blind supporters ng Marcos Jr – Sara Duterte na wagi ang magnanakaw, sinungaling at duwag.
Ang nangyayaring kasaysayan ngayon ay kumakalat at itinatala sa mga balita at social media.
Digital footprints ang fossils ng modernong panahon.
Ang digital footprint ay ang activity history ng mga gumagamit ng internet tulad ng browsing, interaction sa ibang tao o grupo at pagpa-publish o pag-upload nito sa internet.
Ibig sabihin – mga bakas ng datos na iniiwan ng surfers o netizens habang nag-iinternet.
Dapat yan tandaan ng mga Marcos, Duterte at lahat ng mga demonyo, tuta at asslickers na nanloloko, nagnanakaw sa kabang yaman at mga mastermind sa pagpatay ng lahat ng mga lumalaban at nagbubulgar ng mga kabulukan ng mga pulitiko.
Markado at isinusumpa kayo ng kasaysayan.
We saw it coming.
Sa pagbabalik pa lang ng Marcos family sa Pilipinas, ikinasa na nila ang pagbabalik sa poder para ipaghiganti ang pagkakatalsik sa kanila ng people power. Kahit man lang symbolic na makaupo ulit sa Malacañan Palace.
Ang problema, isanlibo’t isang bakas ng ebidensya o digital footprints ang iniiwan ng Marcoses sa mga pinaggagawa nilang kalokohan.
Isanlibo’t isang ebidensya, testimonya pati supreme court decisions sa US at Pilipinas ang naiwan nila sa violations at pakikipag-transaksyon sa gobyerno, mga grupo at tao ang nabulgar at nalalantad pa.
Kasama ang desisyon ng US 9th Circuit Court of Appeals nong 1995 at Philippine Supreme Court nong 2003 na may higit 10 libong biktima ng human rights violations.
Patunay nito ang Republic Act 10368 o yung Batas sa Human Rights Victims Reparation and Recognition Act.
Bukod sa mga desisyon ng mga korte sa Pilipinas at Amerika sa kanilang nakaw na yaman na ang mahigit kalahati at nabawi na ng gobyerno, isama na sa mga ebidensya ang non-filing of income tax returns na dapat ginawa ng mga kumakandidato.
Nangyari yan mula 1982-1986.
Pruweba rin ang hindi pagbayad ng Marcoses ng P23B estate taxes na umabot na sa P203B kasama ang interes.
Matyagang naghintay ng pagkakataon na makabalik sa Palasyo.
Nagsimula ulit bilang mga governor at congresspersons sa Ilocos Sur sina Imelda, Imee at Bongbong Marcos hanggang naging senador – at nagsimulang humakbang puntang Malacañan si Marcos Jr.
Syempre kasama sa plano ang media operations.
Nabawi na nila ang mga dyaryo, nakakuha pa ng dagdag na kakamping mga dyaryo para samahan ang Marcoses sa masalimuot na pagbabalik sa Malacañan Palace.
Hindi rin pumirma si Imee Marcos sa Senate Resolution na payagan ang ABS-CBN na mag-operate habang tinatrabaho ang franchise.
Kasamang kinumpiska ng diktador na si Marcos ang ABS-CBN nung martial law at naibalik sa Lopezes nina yumaong Pangulong Corazon Aquino pagtapos ng EDSA People Power Revolution.
Ang People’s Journal na pagmamay-ari nuon ng yumaong Benjamin Romualdez na batang kapatid ni Imelda at sinequester nung Aquino administration pero nabawi naman ni Congressman Martin Romualdez.
Pati nga Manila Standard ay binili ng Romualdez group noong 2010 sa pamamagitan ni Philip Romualdez, anak ng yumaong Benjamin Romualdez.
Si Philip ay asawa ni Sandy Prieto na may-ari ng Philippine Daily Inquirer.
Bukod dyan, ang Daily Tribune ay bitbit din ang Marcoses.
Si Energy Secretary Alfonso Cusi ang may-ari ng Tribune nang bilhin niya ito kay Ninez Cacho Olivarez.
Ang anak niyang si Patricia Cusi Ramos ang chair of the board.
Si Alfonso Cusi ang presidente ng PDP Laban faction na nag-endorso rin kina Marcos Jr – Sara Duterte tandem.
Kung susumahin, hawak ng mga Romualdez ang Journal, Standard at Inquirer.
Kakampi nila ang Daily Tribune.
Isama na riyan ang Manila Bulletin na mabait sa Marcoses.
Kung sisilipin nyo ang mga balita sa mga dyaryong yan – kung hindi ikinakampanya si Marcos Jr, ay parati nilang headline ang anak ng diktador.
Hindi na nakakapagtataka na kontrolin nila ang laman ng mga dyaryo para maalala o may recall ang bansag na BBM at Marcos Jr sa nalasong kamalayan ng maraming Pinoy.
Pero hindi lahat ng mamamahayag na nagtatrabaho sa kanila ay sunud-sunuran.
Apat na araw bago magbotohan, nagbitiw ang managing editor ng Tribune na si Aldrin Cardona.
Kwento ng ilang kaibigan kong mamahayag na may alam sa totoong pangyayari, pinu-push ni publisher and president Willie Fernandez si Aldrin na punuin ng pro-Marcos Jr stories ang Daily Tribune.
Si Fenandez (hindi ko kaano-ano) ay matagal nang public relations practitioner. Katunayan, sinasabing naging PR din siya ng matandang Cayetano noon.
Malapit din si Fernandez kay Digong, katunayan, in-appoint si Fernandez na Director ng Mani Economic and Cultural Office (MECO).
Ang MECO ay isang non-profit entity, na nagsisilbing unofficial link o ugnayan ng Pilipinas at Taiwan dahil sa One-China policy pabor sa bwisit na China.
Kaya obligadong siguruhin ni Fernandez na pabor kay Digong at napo-promote sa mga balita si Marcos Jr.
Hindi na ito kinaya ng kaisipang malaya at mapanuri ni Aldrin kaya’t nagdesisyon na mag-resign.
Sobrang nakalulungkot.
Nakasama ko si Aldrin sa nag-close na dyaryong The Philippine Post bago itinayo ang Tribune.
Naalala ko siya ang sports editor habang ako naman ang city editor noon.
Dedikado, committed na mamamahayag, simple pero rock, mahusay makisama, may good work ethic, malalim mag-isip at may paninindigan.
Pero dahil sa vested interests at pagdidikta ng mga may-ari, hinahamon ang integridad at kredibilidad at nahahamak ang dignidad na meron ang isang katulad ni Aldrin.
Sa Pilipinas, ang kalakaran sa media ay normal na umiikot sa gusto ng mga may-ari, negosyante at pulitiko, lalo na ng mga presidente na pikon, mapanupil sa pamamahayag at may itinatagong baho – iskandalo, anomalya at katiwalian.
Kaya merong malayang pamamahayag sa Pilipinas ay dahil iginigiit ito ng mga critical journalist tulad ni Aldrin at hindi dahil umiiral ito nang kusa o nirerespeto ng makapangyarihang tao tulad ng presidente.
Pero tulad ng nangyari kay Aldrin, kakambal ng pagiging malayang mamamahayag, ang mga peligro na mawalan ng trabaho o di kaya ay ang ultimate sacrifice – ang patayin ng mga state agent o powerful business qt criminal lords.
Ganyan ang sinapit ng 23 journalists na pinatay sa panunungkulan ni Duterte mula 2016.
Posibleng makabalik sa Malacañan Palace ang Marcoses pero hindi ang panunupil sa media na ginawa ng tatay na diktador.
Dahil hindi ito papayagan ng tulad ni Aldrin Cardona, ako at maraming mamamahayag, photojournalists, media workers, human rights defenders at ordinaryong mamamayan na naniniwala at itataguyod ang press freedom sa Pilipinas bilang pundasyon ng tunay na demokrasya.
Para sa totoo at makabayang pagbabalita, patuloy kaming maglilingkod sa sambayanang Pilipino:
Ilang Marcos o Duterte, martial law o state of emergency, Ampatuan Massacre at ABS-CBN shutdown pa man ang maulit na mangyari at magwasak ng demokrasya.