Manggagawang Pinoy pinakastressed sa Southeast Asia

ANG MANGGAGAWANG PILIPINO ang pinakastressed kumpara sa ibang mga manggagawa sa buong Southeast Asia. Ayon ito sa 2022 State of the Global Workplace Report na ipinalabas a few days ago ng survey and analytics firm Gallup.

Lumabas sa report na 53% ng mga manggagawang Pilipino ang na-survey ay nakararanas ng worry, sadness and anger. Sumunod sa Pilipinas ang Thailand (41%), Cambodia (38%), Myanmar (37%), Vietnam (35%), Singapore (34%), Laos (32%), Malaysia (27%), Indonesia (20%).

Lumalabas din na matindi ang stress ng mga manggagawang Pilipino nang ikinumpara ng Gallup sa iba pang mga manggagawa sa iba’t ibang bahagi ng mundo na may average na 44%.

Sino ba naman ang hindi tumaas ang worry, sadness and anger levels eh maliit ang sweldo, napaka-discouraging ng mga benepisyo kung meron man, walang security of tenure (laganap na endo, contractualization at temporary and on-call jobs) sa harap na walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pagkain, basic commodities, at halaga ng mga serbisyo gaya ng upa sa bahay, kuryente, tubig, gamot, tuition fees at pamasahe at pambayad sa hospital at mga check-up.

Nadagdagan pa ito ng “floating & furlough” o yung management prerogative na pagbabawas muna ng mga empleyado nito until further notice dahil daw nalulugi at hirap ang negosyo dahil sa pandemya.

Nandyan din yung mga abusadong employers na hindi sumusunod sa batas at mga regulations ng gobyerno. Marami din yung mga employers na walang pakialam sa welfare and well-being ng kanilang mga manggagawa (yung tipong puro kabig ng kabig ng profits at walang ambon sa mga empleyado).

Sigurado din na tataas ang stress level natin dahil ang hirap makakuha ng mga loans sa mga social protection and insurance systems at napagastos makipag transact o kumuha ng serbisyo mula sa gobyerno.

Palakasan, ‘bata-bata’ o kamag-anak system naman ang pinaiiral ng mga barangay system at local government units kung kakailanganin mo ang mga basic services mula sa mga ito.

Nandyan din ang paiba-iba at magkakaiba na mga polisiya na ipinatutupad ng mga government agencies sa public transportation. Napakahirap at magastos ang ating luma at di sapat na mga public transportation system.

Napaka-unreliable din ng Internet signal at mobile communication service na binibenta ng mga telcos.

Mataas din ang stress level ng mga manggagawa dahil napakaingay, mabaho, marumi ang maraming lugar kung saan sila nakatira. Wala na rin mga bagong public parks kung saan sila maaring mamasyal o mag-cool off from stress.

Ang tawag ko sa lahat ng mga pangyayaring ito ay “race to the bottom” & “survival of the fittest”.

Ang recommendation ng Gallup sa employers at government ay ipatupad ang mga existing wellness & well-being programs para sa mga manggagawa. Kapag daw malusog at masaya ang manggagawa, sigurado ang asenso ng kumpanya at malusog at masayang mga pamilya at komunidad.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]