KUMUSTA naman kayo dyan, mga Ka-Publiko!
Hinay-hinay lang sa galawan, sobrang ineeeet!
Ako nga konting lakad lang, parang sinisibat na ng init ng araw ang likod ko.
E, paano na lang kung kayo’y construction workers, magbubukid, driver/rider, traffic enforcer, vendor sa mga lansangan at iba pang sa kalsada at outdoor ang ikinabubuhay?
Nako, siguruhin nyo pong may hardhat, sombrero, cap at payong kayo, plus mahalaga ang tubig, tubig, tubig para iwas dehydration.
Mabuhay kayong mga manggagawa!
Nag-vendor kami ng mga gulay sa bangketa nung elementary ako sa Sta Mesa, Maynila, kaya relate ako sa init na umuubos ng pasensya ko hahaha.
Nitong Lunes, April 8, siyam na lugar ang tinaya ng PAGASA na lulutuin sa init ng heat index:
Daet, Camarines Norte (46°C); Aparri, Cagayan (43°C); at 42°C sa Tuguegarao, Cagayan; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa, Palawan; Aborlan, Palawan; Roxas City Capiz at Central Bicol State University of Agriculture Station sa Pili, Camarines Sur.
Isa ba kayo sa mga nakatira riyan?
Pano kayo nagsa-survive sa ineeet?
Ako, madalas puti at cotton na t-shirt ang suot ko kasi may kalamigan siya.
Pero may science din yan ah.
Ang color white kasi nagre-reflect ng liwanag kumbaga tumatalbog lang siya, hindi tulad ng itim na damit na nag-a-absorb ng init tapos dahil kinulayan at may chemical, pag pinawisan ka ambahu.
Pansin nyo rin ba?
Hygiene sa panahon ng tag-init
Pag ikaw ang taong “maalat”, pag nagsuot ka ng red o black t-shirt, mamumuti yan sa asin – harap at likod!
Naranasan ko na yan, ambahu ko na, namumuti pa, kakahiya sa mga katabi sa jeep at aircon.
Meron nga akong t-shirt kahit butas-butas, sinusuot ko kasi mas presko hahaha, ugali nyo rin ba yan.
E kumusta naman ang mga singit ngayong tag-init?
Pag kinapa, sabay amoy di ba basa na at ang asim? Hahahaha!
Okay lang yun, tao lang eh. Hindi charot yan, ginawa ko na yan.
Dapat naman iniimbestigahan din natin ang katawan natin.
Sa ating mga Pinoy medyo nahihiya pa kasi tayo o kaya ay natatakot na may madiskubreng sakit. Wag ganun.
Pero kapag sobrang malala at may pantal na pula pati pwet, hadhad na po yan, patingin na kayo sa doktor at wag nang mahiya kesa magdusa kayo sa hapdi at pangangati.
Personal hygiene yan pero pansin ko lang, kahit naliligo dalawang beses araw-araw, hindi talaga maiiwasang magpawis ang singit noh.
Na-imagine ko tuloy panu na yung mga extra-size na body, dancers o lalo na yung hirap sa tubig? Pano na?
Nag-Google nga ako ng pangangalaga ng singit para maishare sana sa inyo kaso naman ang entries na lumalabas – puros pampaputi ng singit hahaha kakainis.
Subukan nyo isearch – health care sa singit, bilis.
Kaya kung may alam ng pangangalaga sa singit ngayong tag-init, paki-share na, now na.
Sa bandang huli, ang init na yan ay nagbabagang reminder sa atin ng climate change.
Kaya sa loob ng bahay, nagtayo ako ng vertical garden pandagdag sariwang hangin.
Sa labas naman may mga halaman, herbal plants, lemon, calamansi, bayabas.
Meron din kaming mga puno ng malunggay pati kapitbahay na di mo kilala, gugulatin ka na lang at biglang friendship para humingi ng dahon ng malunggay, diskarte lang talaga.
Kaya tanim-tanim din pag may time.