Laging bantayan pondo ng bayan

MASUSUKAT ang karakter ng isang lingkod-bayan sa kanyang pagiging accountable o ang kahandaan niyang tanggapin ang responsibilidad  at konsekuwensia ng kanyang mga desisyon at aksyon.

Kahandaan din itong ilantad ang mga transaksyong pampubliko,at pagtalima sa isinasaad ng Saligang-Batas na transparency.

Sa ganitong paraan, aanihin ng isang lingkod-bayan na accountable at transparent ang respeto at tiwala sa kanya ng publiko.

Sa kabilang banda, kapag kuwestiyonable sa publiko ang ginagawa ng isang lingkod-bayan, maaaring mawala ang epektibong paglilingkod sa buong ahensya na kanyang hinahawakan. Magkakaroon ng demoralisasayon sa hanay ng mga tagasunod at magiging marupok ang moral fiber ng  institusyon. Magiging normal at standard operating procedure (SOP) ang mga iregularidad.

Malalim, malawak at nagnanaknak ang isyu ng  korapsyon sa ating gobyerno. Limitado ang pagiging accountable ng maraming lingkod-bayan, hindi tumatalima sa rekisito ng  transparency,  at mas umiiral ang pagiging “entitled”  dahil sa kanilang mga hawak na  posisyon.

Public servant o lingkod-bayan na matatawag subalit abusado sa ibinigay ng taumbayan na kapangyarihan. Maraming pagwawaldas, anomalya at iregularidad ang hindi na nasampahan ng kaukulang kaso kahit pa malinaw pa sa sikat ng araw  ang mga ebidensya- dahil  sa humihinang puwersa ng mga advocates na napapagod na rin sa paghahabol sa mga kawatan; habang nananatiling fence-sitters o tambay ang mamamayang  namanhid na sa mga karumal-dumal na kaganapang panlipunan.

Subalit kamakailan, mahirap matunawan ang sambayanan sa confidential intelligence funds (CIF).

At dahil dito, nagpaplano ang makabayang grupo na maghain ng reklamo sa kataas-taasang hukuman, ang Korte Suprema, upang kuwestiyunin ang P125 milyong pondo ng opisina ng bise president ng Pilipinas.

Ayon sa chairman ng Bayan Muna na si Neri Colmenares, kung hahayaan  na hindi dumaan sa istriktong pago-audit ang naturang pondo, lahat ng korap na lingkod-bayan ay hihiling na maglipat ng regular auditable funds sa General Appropriations Act o GAA. Ayon kay Colmenares, ang OVP Confidential Fund ay hindi dumaan sa alokasyon ng Kongreso at kung ganun ay “non-existent item” sa ilalim ng batas. “This post-enactment transfer  raises serious legal questions because the Supreme Court prohibited such allocations after Congress passed the GAA” pahayag ni Colmenrares sa isang statement.  

Maari ngang magsimula ng mapapanganib na alinsunuran o halimbawa ang CIFs dahil hindi malayong gayahin ito ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Saan ka nakakita na puwede kang humiling ng milyon-milyong pondo at hindi sasailalim sa regular na audit?

Ang malungkot, bakit sa Kagawaran ng Edukasyon? Ano ang kinalaman ng edukasyon sa pag-eespiya kung sino ang terorista o drug addict o rebelde? Hindi ba’t pakikialam din ito sa lehitimong tungkulin ng mga pulis, military at hukbo? Hindi ba’t dapat nagrerespetuhan ang mga ahensya ng gobyerno?  

Na-amyendahan na ba ang batas tungkol sa transparency at accountability? May saysay pa ba  ito kung puwede naman palang ibigay ang pondo out of discretion or out of courtesy?

Matindi ang implikasyon ng ganitong kalakaran. Dahilan kung bakit hindi maalis-alis ang korapsyon sa bansa, ang padrino system, ang dinastiya.

Nalulungkot akong mapanood na pinatayan ng mikropono ang minoryang kumukuwestyon sa CIFs.  Premature na tinapos ang pandinig sa isang usaping nakataya ang pondo ng bansa. .

Hindi rin kaaya-ayang makita na nilisan ng mga opisyal ng OVP ang Kongreso habang nagkakaroon ng diskusyon sa naturang pondo. Fait accompli? No need to hear the arguments dahil may desisyon na?

Tanging sa  malayang palitan ng ideya at kaalaman makikita kung makakabuti ang isang desisyong pangkalahatan. Kung walang respeto sa   boses ng minorya, paano makikita ang totoong hangarin ng hinihiling na pondo?

Kung hindi malinaw sa DepEd ang tunay na layunin ng CIF, maaring mauwi sa maling paggamit ng pondo ng bayan. Esensiyal na may malinaw na mga kategorya at proseso sa pagdidisenyo ng proyekto o programa, kung paano ito ipapatupad, ang sa huli, ang ebalwasyon kung tagumpay o bigo ang layunin ng CIF.

Dapat ding isinasaalang-alang ang balanseng alokasyon ng mga pondo ng bayan. Hindi maaring may nakakalamang at may salat. Nagiging de-motibasyon din kasi ang ganitong kalakaran. Nagiging sanhi ng dibisyon.

Hindi malusog na polisya ang pagkakaroon ng sikretong mga transaskyon gaya ng CIF  lalo na at gamit ang pondo na mula sa buwis ng mamamayan.

Ang totoong unity, nasa pagkilala sa makatarungang paggo-gobyerno; hindi ang pangingibabaw ng mga polisiyang magsisilbi sa vested interest.

Hindi ang unity ng panlalamang.