Kung ako ang pangulo (II)

HABANG binabasa mo ito, apat pa lang ang nagproklama ng kanilang kandidatura sa pagkapangulo ang nag file na ng kanilang Certificate of Candiday (CoC) sa Commission on Elections kaya’t mas lalong nagiging exciting ang labanan dahil nagbabantayan ang mga kampo ng magkakatunggali.

Sa ngayon kasi, tila nainip na si dating senador Bong Bong Marcos sa mailap na sagot ni Davao City Mayor Sara Duterte kaya’t napilitan na siyang lumantad, magdeklara at mag file na ng kanyang intensyon nitong Miyerkules, dalawang araw bago ang deadline sa pag file ng CoC sa pagkapangulo. Dangan kasi ay sa halip na sa pagkapangulo o pangalawang pangulo ay sa Davao City nag file si Mayor Sara bilang reelectionist mayor.

Tanging sina Isko Moreno, Manny Pacquiao, Panfilo Lacson at Marcos pa lamang ang pormal nang sumali sa labanan. Mayroon pang ilan na nag file ng kanilang kandidatura ngunit karamihan sa kanila ay maituturing na mga “nuisance” lamang.

Dalawa lang sa kanila sa tingin ko ang may kakayahan na maglunsad pambansang kampanya; ang labor leader na si Leody de Guzman (Partido Lakas ng Masa) at ang dating national security adviser ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Norberto Gonzalez na nag file sa ilalim ng Partido Demokratiko Sosyalita ng Pilipinas (PDSP).

Pagkatapos magdeklara ni Marcos ay sumunod na si Lacson na mag file habang ang kampo ni VP Leni Robredo ay nagpahayag na sa October 7 na raw siya magpa file ng kanyang kandidatura, ngunit wala pa tayong naririnig sa mismong bibig ng Pangalawang Pangulo.

Tila may kalituhang nagaganap dahil sa mga galawan na ito dahil bukod tanging si Mayor Sara na lamang ang tikom ang bibig sa kabila ng pag-atras ng kanyang ama sa labanan sa pagka Pangalawang Pangulo at ipinain ang kanyang dating assistant at ngayo’y Senador Bong Go na siyang nag file ng kanyang kandidatura sa Comelec.

Kung bakit si Bong Go ay hindi pa natin mabasa kung ano ang intensyon ng kampo nila ni Pangulong Duterte. At lahat ng komento tungkol sa galaw ng mga Duterte sa social media at maging sa mainstream media ay puro haka-haka pa lamang hanggang sa dumating ang October 8.

Lumalabas ngayon na sina Sara at Leni na lamang ang nagbabantayan o binabantayan ng publiko hanggang sa dumating ang Biyernes.

Teka muna, meron palang dagdag na mga isyu at katanungan sa ating mga kandidato. Dahil medyo malayo pa naman ang halalan bigyan natin ng puwang ating sipatin ang mga kwalipikasyon ng mga kandidato maging ang kanilang kasagutan sa mga isyung pambayan.

Nangunguna sa listahan ko ang kawalan ng trabaho, patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, ang EJK, iba’t ibang anyo ng korapsyon sa pamahalaan, ang Covid-19 at iba pang isyu ng health care system lalo na ang public health at kahirapan na siyang nagdudulot ng maraming sakit ng lipunan.

Ating nang unahin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo lalo na ang gasolina at diesel na umabot na sa P2 kada litro. Bagama’t bahagyang nakontrol ng pamahalaan ng pagtaas ng presyo ng bigas, lubhang mataas pa rin ang presyo ng mga basic na pangangailangan ng ordinaryong Pilipino katulad ng isda, baboy at manok maging ang mga gulay.

Kaya’t ang mga manggagawang may asawa at 3 anak na nabubuhay sa P537 minimum wage kada araw ay halos wala nang maiuwing subi dahil ang kanilang uulaming isang kilo ng baboy na nagkakahalaga ng P350-P400 ay maituturing nang isang karangyaan.

Baligtad ito sa mapalamuting pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na maayos naman daw ang ating ekonomiya sa kabila ng mataas na presyo ng bilihin. Ngunit batid nilang malayo ito sa katotohanan na hindi na tumataas ang presyo ng bilihin na umaabot na sa halos 15 porsiyento ng orihinal na presyo nito habang ang buying power ng mga manggagawa ay nananatiling nakatengga dahil hindi naman tumataas ang kanilang suweldo nitong mga nakaraang taon.

Gusto ko rin sana kasing intindihin na ang kasalukuyang pandemya na nararanasan natin ngayon ay malaking bahagi ng nararanasan natin sa ekonomiya subalit inilantad nito ang systemic na problema ng ating ekonomiya—ang pagsalalay natin sa service sector na siyang unang bumigay sa kasagsagan ng pandemya.

Kaya’t kung ikaw ang Pangulo, ano ang bibigyan mo ng mas higit na halaga upang maiayos ang ating ekonomiya na nakasandal sa service sector bilang haligi ng ating ekonomiya? Nararapat bang maging isang election issue ito?

Sa ngayon kasi, lumalabas na pawang malamya ang labor sector na labanan ang ganitong kalakaran lalo na sa labor-only contracting; business process outsourcing; food, construction at tourism sector; overseas workers, household, agriculture at security na halos lahat lumalabas na exploitative bukod sa mababang pasweldo.

Sila kasi ang bulto ng manggagawa na labis na naapektuhan nitong pandemya at lumalabas din na pinakamahinang sector dahil wala silang lakas na labanan ang lumalalang eksploytasyon. Dapat din nating tandaan na sa mga sector na ito, bawal ang magtatag ng mga samahan at mag unyon lalo na yung mga nagtatrabaho sa mga itinalagang economic zone.

Sinubukan din ni Pangulong Duterte na tanggalin na ang mapang-abusong labor-only contracting ngunit umatras din siya kalaunan dahil sa “pressure” ng malalaking negosyo.

Kung ikaw ang Pangulo ano ang iyong gagawin para maibalanse ang interes ng manggagawa at employer?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]