ITANGHAL natin si Jose “Ka Pepe” Diokno bilang “Ama ng Karapatang Pantao” o “Father of Human Rights” ng Pilipinas.
Batikan at hinahangaang senador. Dating Secretary of Justice.
Matinik na abogado.
Di nagpayaman sa puwesto.
Detenidong pulitikal
Binartolina si Ka Pepe ng diktador na si Ferdinand Marcos sa Fort Magsaysay, Laur, Nueva Ecija.
Isa si Ka Pepe sa mga “inimbitahan” ng mga sundalong sumama sa Camp Crame makaraang ipataw ni Marcos ang batas militar, sa bisa ng Proclamation 1081, noong Setyembre 21, 1972.
Kahit dating Secretary of Justice at tanyag na senador, ipina-arbitrary arrest and detention pa rin ni Marcos – tulad ng libo-libong Pilipino – si Senador Jose Wright Diokno.
Dalawang taong ikinarsel, pinakamatagal sa Fort Bonifacio, si Ka Pepe.
Wala ni anumang habla laban sa kanya.
Wala rin siyang ni gabutil ng pagkakasala.
Liban sa pagiging tinig ng demokrasya, hustisyang panlipunan, at kagalingang pambayan.
Biktima siya ng tiranya at inhustisya.
Dahil ninais ni Marcos na manguyapit sa kapangyarihan bilang presidente.
FLAG
Subalit di natinag si Ka Pepe.
Makaraan siyang makalaya, itinatag niya ang Free Legal Assistance Group (FLAG).
Naghandog si Ka Pepe at ang FLAG ng libre’t epektibong serbisyong panlegal para sa mga naaagrabyadong tao – kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang taga-lungsod, mangingisda, istudyante, at katutubong Pilipino.
Sarili niyang gastos.
Kasama niya sa kanyang paglilingkod ang kanyang butihing asawa – si Ginang Carmen “Nena” Icasiano-Diokno.
Buong lakas-loob nilang tinulungan sa kanilang kaso ang mga bilanggong pulitikal noong martial law.
Palagiang kasama ni Ka Pepe sa paghawak ng kaso at mga hearing sa korte ang kanyang anak na si Jose Manuel Diokno.
Paralegal
Tinuruan at hinasa ni Ka Pepe ang mga henerasyon ng mga abogado at law students sa larangan ng human rights at proceedings sa husgado.
Sinanay rin niya ang mga ordinaryong mamamayan upang magsilbing paralegal.
Kabilang sa kanyang mga itinuro sa mga paralegal ang pagkalap ng ebidensya at rules of evidence.
Gawaing paralegal ang pag-document ng ebidensya. Ginagawa ito ng mga paralegal sa pamamagitan, halimbawa, ng pagkuha ng litrato o video at pag-interview at pagkuha ng affidavit o sinumpaang-salaysay ng complainant at saksi.
Tinutulungan ng paralegal ang abogado sa paggampan ng iba’t ibang gawain kaugnay ng isang kaso.
Makaraan ang People Power Revolution noong February 1986, in-appoint ni Pangulong Corazon C. Aquino si Ka Pepe bilang chairman ng Presidential Committee on Human Rights, kilala ngayon bilang Commission on Human Rights.
Subalit nag-resign siya bilang protesta laban sa pagmasaker ng pulis at sundalong Marines ng di kukulangin sa 13 demonstrador sa paanan ng Mendiola Bridge noong January 22, 1987.
Namayapa si Ka Pepe noong February 27, 1987. Isang araw lamang ito makaraang ipagdiwang ang araw ng kanyang pagsilang noong February 26, 1922.
Sa ating nagtatanggol at nagtataguyod ng rule of law na nakabatay sa pambayang demokrasya at karapatang pantao – nananatiling laging buhay si Ka Pepe.
Pumipintig sa ating puso, sintido, at pulso si Senador Jose “Ka Pepe” Diokno – ang “Ama ng Karapatang Pantao.”
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]