HINDI lang panghihimasok sa ating teritoryo, panggigitgit, water cannon, laser at iba pang harassment ang ginagawa ng China sa Philippine vessels at Pilipinong mangingisda, winawasak din ng China ang marine resources at ecosystem sa West Philippine Sea.
Yan ang isa at hindi gaanong napapansing pangit na mukha ng China sa Illegal presence at activities nito sa West Philippine Sea.
Mas nabuo ko ang larawan at sitwasyon na yan sa press conference ng National Youth Movement for the West Philippine Sea nitong Lunes April 1.
Isang bagay na tumatak sa isipan ko dahil after all these years, sa dami at lawak ng winasak ng China sa karagatan ng WPS, hindi nga naman sila naparusahan.
Pinaka-recent na nga ang ibinulgar ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource, BFAR, February 17.
Inireport ng mga mangingisda sa BFAR, sadyang winawasak ng illegal Chinese fishermen ang Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc o Panatag Shoal) gamit ang lasong cyanide para hindi na makapangisda ang mga Pilipino.
WInawasak ng cyanide ang polyps at algea hanggang ang ocean rainforest ay maging marine deserts. Sa estimate ng BFAR, umabot sa $17.8 millon ang damage sa reefs.
Noong July 12, 2021, inireport ng US-based tech firm Simularity, na base sa satellite images, nagtapon ang China ng raw sewage kasama ang maraming dumi ng tao sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ). mistulang ginawang higanteng toilet. Dahil sa pagtapon ng mga dumi, nawawasak ang coral reefs kung saan nagpaparami ang mga isda.
Inireport naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang pagdami ng China vessels sa Rozul Reefs at Escoda Shoal ay nagdulot ng coral harvesting at pagkawasak ng marine environment.
April 21, 2021, ibinalita naman ng Advocates for Science and Technology for the People (AGHAM), na-document nila na permanenteng nawasak ng illegal activities ng China sa WPS ang may 16,000 hectares ng coral reefs. Ayon sa Agham, dapat pagmultahin ang China ng P1.92 trillion bilang kabayaran.
At noon namang July 4, 2019, inireport ng scientist na si Deo Florence Onda ng University of the Philippines Marine Science Institute na ang illegal fishing, poaching, at reclamation activities ng China ay nagdulot ng P33.1 billion halaga ng damages sa Scarborough o Panatag Shoal kada taon.
Dalawang dating Supreme Court Justices ang naunang nagtulak na idemanda at pagbayarin ang China sa environmental destruction nila sa West Philippine Sea. sina ex-Justices Antonio Carpio at Francis Jardeleza.
Mungkahi ni Carpio, isampa ang kaso sa United Nations International Court of Justice o World Court, samantalang sa isang ad-hoc tribunal na bubuuin ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang nakikitang korte ni Jardeleza na pwedeng duminig sa kaso.
Ang dapat gawin ng ating gobyerno ay ipunin ang lahat ng documented cases kasama ang mga ebidensya ng environmental destruction ng China West Philippine Sea at sabay-sabay na isampa sa naaangkop na international court
Napapanahon nang singilin ang China sa paninira sa marine ecosystem sa West Philippine Sea.