KUNG hindi magbabago ng taktika si Senator Imee Marcos sa kanyang ginagawang ‘pangangampanya,’ malamang na hindi siya makalusot at tuluyang matalo sa darating na midterm elections sa Mayo.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia nitong nakaraang Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, lumalabas na kulelat si Imee sa nasabing survey. Nasa ika-12 puwesto ang senadora samantalang sina Senator Bato dela Rosa at Rep. Camille Villar ay nasa ika-13 at ika-14 na puwesto.
Halos walang pinagkaiba ang resulta ng senatorial survey na ginawa naman ng SWS nitong Disyembre 12 hanggang 18, dahil kulelat pa rin si Imee tulad nina Villar at Dela Rosa na pawang nasa ika-12 at ika-14 na puwesto.
Kung titingnang mabuti, pababa nang pababa ang puwesto ni Imee sa mga senatorial survey na inilulunsad ng iba’t ibang survey firm at malamang sa mga susunod na linggo at buwan ay tuluyan nang mawala sa ‘Magic 12’ ang pangalan ng senadora.
Lumalabas na wala nang tiwala kay Imee ang mga botante dahil na rin sa kanyang ginagawang ‘pamamangka sa dalawang ilog’ at estilong doble-kara ng ‘pangangampanya’ para lamang makuha ang suporta ng kampo ni Digong at ng administrasyon.
Bistado na ang galawan ni Imee, at kung inaakalang nabobola niya si Vice President Sara Duterte para suportahan ang kanyang kandidatura ay nagkakamali siya. Wala rin botong maaasahan si Imee sa mga DDS tulad ng mga taga Mindanao na naniniwala pa rin sa pamilyang Duterte.
At kahit sabihin pang kapatid ni Imee si Pangulong Bongbong Marcos, hindi rin siya nakatitiyak sa suporta ng administrasyon dahil maraming hindi nagtitiwala sa kanya lalu na sina First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez.
Marami ring galit na loyalista at Ilokano kay Imee dahil sa hindi nito nagawang ipagtanggol ang kanyang sariling amang si Ferdinand Marcos Sr. nang sabihin ni Sara… “huhukayin ko yang tatay n’yo, itatapon ko s’ya sa West Philippine Sea!”
Kaya nga, tagilid talaga ang kandidatura ni Imee at malamang hindi magtagal ay maungusan siya ng dalawang kandidatong sina dating DILG Secretary Benhur Abalos at dating Senator Bam Aquino na nasa buntot lang ng ‘Magic 12’ ng mga senaorial bets.