Erwin Tulfo nag-TNT; may ‘K’ nga bang tumakbong senador?

SUNOD-sunod ang banat kay ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na tumatakbong senador dahil sa kuwestyunable nitong citizenship.

Umamin si Tulfo na ang tanging naging kasalanan lamang anya niya ay naging undocumented worker siya sa Estados Unidos. Sa madaling salita ay TNT siya o “Tago Nang Tago”.

Ginawa ni Tulfo ang pag-amin sa kanyang radio program na Punto Asintado ngayong Lunes.

Dito, hinimay-himay niya ang mga naging akusasyon laban sa kanya na diumano’y nilinlang niya ang publiko sa pagpapakilalang isang Pinoy gayong may hawak siyang US passport.

“Ngayon, kine-kwestyon ako ng ilang mga vlogger […]. Sabi, ‘May karapatan pa ba yan tumakbo bilang senador, bilang mataas na opisyal ng bayan natin? Walang kredibilidad. Walang integridad,’” ayon kay Tulfo.

Anya, nagawa niyang mag-TNT para may mapakain sa kanyang mga anak.

“Kung pagiging TNT ko ho, kung pagiging undocumented alien ko po eh bawal po ako magsilbi, bawal na po ako magtrabaho sa ating bayan, na ginawa ko lang naman ‘yon para mapakain ‘yung mga anak ko… eh kung kasalanan ho ‘yon sa tingin ninyo, then guilty po ako,” pahayag pa nito.

Pero giit niya na wala siyang nilabag na batas at wala siyang niloking tao.

“Wala po akong nilokong tao, ni isang Pilipino. Maging sa Amerika no’ng nandoon po ako. Wala po akong ini-estafa. Wala po akong in-scam na mga Pilipino, maging na mga Amerikano. Wala po akong niloko,” hirit pa nito.

Si Tulfo ang nangungunang senatorial bet sa mga nakalipas na survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) bago mag-Pasko.