Government official adik sa ‘bato’

TAUN-TAON ay naging ugali na ng isang machong local official ang magpalit ng sangkatutak na bracelets.

Hindi ito gawa sa pilak o ginto kundi sa mga precious at semi-precious gem stones.

Naniniwala kasi si Mr. Local Official na swerte ang kanyang mga suot na beads dahil ito daw ang nagpapanalo sa kanya tuwing eleksyon.

Suki siya ng iba’t ibang feng shui experts at mga nagtitinda ng pampaswerte kuno.

Sinabi nga ng kanyang alalay na kung isusuot ng kanyang amo ang koleksyon nya ng mga precious at semi-precious gem stones ay baka umabot na ito ng hanggang sa leeg.

Sari-saring kulay at gamit ang kanyang mga suot na bracelets.

Merong para sa good health, pampatalino, para sa negosyo, pampakalma ng kaisipan, pampakapit ng swerte at iba pa.

Pati raw ang mga display sa kanyang malaking opisina ay nakabase sa reseta ng mga suki niyang feng shui experts at astrologist.

Sinabi ng aking spotter na hindi na siya nagtataka dahil pati ang katandem ni Mr. Governor noong nakaraang halalan ay nagsusuot na rin ng mga pampaswerte kuno.

Impluwenya raw ito ng nasabing pulitiko na kilala rin na mahilig sa goodtime.

Wala namang masama sa hilig ng ating bida basta ang importante ay naibibigay niya ang tamang serbisyo sa kanyang mga nasasakupan sa kanilang lalawigan na dinadaanan ng mga patungo sa Norte.

Hindi kailangan ang clue dahil siya lang naman ata ang ama ng lalawigan na puno ng beads ang magkabilang kamay.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]