E-vehicle charging sa mall

MAGANDANG balita para sa may mga electronic vehicle o yung tinatawag na e-vehicle (EV).

Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng SM na may mga free charging stations na sila sa ilang mga piling SM Supermalls sa bansa.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Energy, Department of Transportation, Department of Science and Technology at Department of Trade and Industry, makakapag-charge na ng libre sa ilang mga malls ang mga EV users.

Kabilang sa mga malls na may EV Station ang SM Aura, SM Megamall, SM North Edsa, at SM Mall of Asia na naglalayong isulong ang tinatawag na sustainable at eco-friendly environment.

Pwedeng makagamit ng libreng serbisyong ito ng SM Supermalls ang mga EV na gawa ng BMW, Fiat, Audi, Hyundai, Volkswagen, Ford, Mercedes Benz at Porsche

Ayon sa tala ng Land Transportation Office o LTO, mayroong 12,956 ang rehistradong EV sa bansa at ito ay madaragdagan pa sa pagpasok ng ilang mga bagong brand.

Hindi tulad noong araw na madaling maubos ang charge o laman ng baterya ng isang EV sa ngayon ay may kakayahan na itong tumagal nang aabot sa 200 kilometrong distansya o higit pa.

Kasabay ng pag-unlad sa automotive industry ang kaakibat nitong pagbabawas ng pollutants sa kapaligiran.

Kung mapapansin rin ninyo, karamihan sa mga bagong sasakyan ngayon ay mayroon nang mas mababang engine displacement pero hindi nangangahulugan na nabawasan ang pwersa o torque ng mga ito.

Kung tulin o bilis ang pag-uusapan ay hindi rin pahuhuli ang mga bagong gasoline at diesel-fed engines kahit na sabihing mas mababa ang kanilang engine displacement.

Ito ay bilang pagtalima na rin ng mga car manufacturer sa Kyoto protocol na naglalayong bawasan ang ibinubugang usok sa kapaligiran ng mga sasakyang gumagamit ng fossil fuels.

Electronic vehicle man o yung mga tradisyunal na de-gasolina at krudong mga sasakyan, ang importante ay nakikibahagi tayo sa pagsasa-ayos ng ating kapaligiran.

Isa lang po ang mundo natin kaya dapat natin itong mahalin.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]