DOLE MAY ALOK NA TRABAHO SA LABOR DAY

Palaki nang palaki ang bilang ng mga manggagawa ang nawalan ng trabaho simula nan tamaan ang bansa ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa unang bahagi pa lamang ng taong 2020 at hanggang sa kasalukuyan taon ay nagpapatuloy ang pagtatanggal sa trabaho dahil sa pandemya na nagreresulta ng matinding paghihirap na nararanasan ngayon.

At upang kahit papaano ay makatulong sa mga nawalan at naghahanap ng trabaho, may nakatakdang malawakang online job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Inanunsyo ng DOLE na magkakaroon ito ng nationwide online job fair at job summit sa mismong araw ng Labor Day sa May 1.

Naghahanda ang kagawaran para sa malawakang job fair. Lahat ng mga regional offices at public employment offices nationwide ay nangangalap ng mga job vacancies at ang mga dapat na mga lumahok na mga employer para sa nasabing event.

Layunin ng job fair o summit na ito ay ang matugunan ang pangangailangan ng maraming Pilipino na nawalan ng trabaho at para muli ring maiangat ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng dinaranas na pandemya.

Kaya sa mga lalahok na mga Pinoy na nais magtrabaho, ihanda na ninyo ang inyong mga sarili pati na ang mga dokumentong kakailanganin sa dararing na job summit. Kailangan prepared sa pagharap sa mga posibleng employer. At hindi porke online ang gagawang summit ay hindi na dapat mag-ayos, dapat palaging handa!

Para sa iba pang mga detalye, maaaring bisitahin ang website ng DOLE, dole.gov.ph o bisitahin ang mga social media accounts nito.