SIGWA ng Unang Kuwarto. O First Quarter Storm.
Tinutukoy nito ang tatlong buwan, simula Enero hanggang Marso, ng malalakas at malawakang demonstrasyon at kilos-protesta ng karamiha’y estudyante, noong 1970, laban sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Subalit ano naman ang itatawag natin sa mga rali’t mapayapang anyo ng pag-aaklas matapos patraydor na paslangin ng gobyernong Marcos si Benigno S. Aquino Jr.?
Ano ang ipangangalan o marker na maaari nating itundos sa mapanlabang yugtong ito ng ating kasaysayan?
Mas sustenido, matagalan, higit na malalakas, at suportadong suportado ng sambayanan ang mga pagtitipon, pagmamartsa, at pagbabalikwas noong “Cory! Cory!” ang masigabong isinisigaw ng marami.
NANGANGATING PAA
Makaraang paslangin si Ninoy noong Agosto 21, 1983, lalong sumigabo ang pagbabalita at paglilimbag ng tinaguriang mosquito press. Ito ang mga pahayagang tulad ng Mr & Ms at WE Forum na mala-kabuteng nagsulputan upang ilahad ang mga impormasyon at kaganapang sinisikil ng rehimeng Marcos.
Niyayanig ng mga yabag at sigaw ng pagtutol ng mga nagmamartsa ang mga lansangan, lalo ’yung patungong Malacañang – ang luklukan ng kapangyarihan.
Madaling mag-iinit ang puwit mo, at mangangati ang talampakan, sa mga classroom ng university belt.
Sakop ng u-belt ang mga kolehiyo at pamantasan sa Quiapo, Sampaloc, San Miguel, Sta. Cruz, at Sta. Mesa, Maynila. Ilan dito ang Centro Escolar University, Far Eastern University, FEATI University, Holy Spirit, La Consolacion, Manuel Luis Quezon University, National University, San Beda University, San Sebastian College, University of the East, University of Manila, at University of Santo Tomas.
Namumutiktik ang Liwasang Bonifacio, Mendiola Bridge, at Welcome Rotonda sa mga “anti-riot”, pulis, at ahenteng militar.
Sulyapan mo ang gayak naming mga mag-aaral noon – mapababae man o lalaki – puro kami naka-maong at rubber shoes.
On a budget, nabubuhay ang mga aktibista ng MLQU, Manuel Luis Quezon University, sa R. Hidalgo Street, Quiapo – sa panahon ng mobilisasyon – sa tubig at saging.
Ang mga aktibista naman ng UE, University of the East, nasa Claro M. Recto Avenue, Sampaloc – sa cornik at tubig din.
INA NI NINOY
Malagim na ikinintal sa henerasyon naming tinawag na martial law babies ang imahe ng bumulagtang katawan ni Ninoy. Nakasuot ng puting pantalon at jacket. Duguan at walang buhay sa tarmac ng Manila International Airport (NAIA o Ninoy Aquino International Airport ngayon).
Tinawag kaming martial law babies dahil isinilang at nagsilaki kaming walang ibang nakagisnan at nakalakhang pangulo maliban kay Marcos – sagadsaring human rights violator.
Corrupt, torturer, mamamatay-tao, at diktador.
Ayaw paawat, nanakot pa si Marcos noong, “I don’t intend to die.”
Binaril sa ulo si Ninoy.
Nagitla.
Shocked ang buong bansa.
Tumarak sa kamalayan at damdamin naming mga kabataan ang itsura ni Doña Aurora Aquino, ang nagdadalamhating ina ni Ninoy – nananangis, tumataghoy sa harapan ng nakabukas na kabaong ng anak.
Nakagayak pa rin si Ninoy ng puting jacket at pantalong suot-suot niya nang marinig ang “Pusila! Pusila!” at putok ng baril.
Tuyo na ang kanyang dugo sa ulo, mukha, at katawan.
Di mahulugang-karayom, milyon ang dumagsa, nakiramay, dumalaw, at nakipaglibing kay Ninoy.
Tahimik at payapang nagmartsa ang taumbayan tungo sa kanyang huling hantungan.
Kinagabihan, sumiklab ang bakbakan sa paanan ng Mendiola Bridge.
May mga nasawi, kabilang ang isang estudyante ng MLQU, sa tama ng bala.
Sumidhi ang isinisigaw ng mga kabataang aktibista sa kalye:
“Marcos, Hitler, Diktador, Tuta!”
“Pasismo ng estado, dudurugin!”
Bago pa man, at higit lalo na nang i-EJK (extrajudicial killing) ng gobyernong Marcos si Ninoy – 38 taon na ngayon ang lumipas – kabilang na ang mga mulat at naninindigang mag-aaral ng MLQU sa kilos-protesta laban sa diktadura.
Sa panahong nananalasa ang rehimeng Marcos, isinagawa sa MLQU ang pambansang kumperensiya ng KMU o Kilusang Mayo Uno. Puno ang auditorium. Sa ikalawang palapag ng MLQU main building una kong nakita si Etta Rosales, nang magkasalubong kami; tinanong ako kung nasaan ang auditorium na pinagdarausan nito.
Doon din sa auditorium na iyon isinasagawa ang mga pagtitipon, tulad ng isang dinaluhan ni Waldy Carbonell bilang tagapagsalita. Doon din ginaganap ang mga pangkulturang pagtatanghal na kinabibilangan ng mga awit-protesta.
JBL AT KA TANNY
Kabilang sina Jose Benedicto Luna “JBL” Reyes at Lorenzo M. Tañada Sr. – dalawang legal luminaries na namumuno ng organisado at mapayapang pag-aalsa laban sa pagmamalabis ng mag-asawang diktador – sa pamunuan ng MLQU. Kasama sila sa nagtatag ng MLQU School of Law noong 1947.
Co-founder ng Civil Liberties Union noong 1937 at dating Supreme Court justice si JBL. Kasama si Jose Wright Diokno, itinatag nina JBL at “Ka Tanny” (tawag ng mga aktibista kay Tañada) ang Anti-Bases Coalition.
Co-founders ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sina dating senador Diokno at Tañada.
Personal na hinaharap ng nakasalaming JBL ang aming mga lider mag-aaral upang pakinggan at lutasin ang mga hinaing at isyung pang-estudyante.
Pinangungunahan ni Bow Moreno, ang inihalal na governor ng MLQU Central Student Government, ang pakikipagpulong sa kanya.
Madaling patawanin ang pinagpipitagang JBL. Prangka siyang makipag-usap sa mga lider estudyante.
Nang sumapit ang kanyang kaarawan, buong rubdob at taas-kamao siyang inawitan ng “Bayan Ko” ng mga aktibistang mag-aaral sa harapan ng kanyang tanggapan sa MLQU.
LEANDRO ALEJANDRO
Nang mag-isang magtungo roon minsan si Elmer Mercado – pursigidong hina-hunting noon ng militar bilang chairman ng League of Filipino Students – agad siyang pina-ikutan at kinordonan ng mga estudyante ng MLQU. Ilang minuto pagkaraan, dumating naman at nagkita silang dalawa roon, sa may gate ng MLQU Monzon Hall, ni Lean Alejandro.
Si Lean ang nangunguna sa kilos-protesta.
Sa Makati, lulan kami minsan ng mga bus. Naroroon siya, nakatayo sa unahan, malapit sa driver, ng sinasakyan naming bus. Namumuno.
PEBRERO 25, 1986
Si Lean din ang namuno sa grupo ng mga demonstrador na payapang nagtipon-tipon sa paanan ng Mendiola Bridge noong gabing tumakas ang Marcoses mula sa Malacañang.
Hinarangan, pinigilan ang grupong pumasok sa Malacañang ng mga sundalong Marines.
Narinig ko:
“Ayaw ni Enrile na tayo ang pumasok.”
“Pagbabarilin daw tayo ng Marines ’pag nagpumilit tayo.”
Pinaatras ang grupo.
Nakikita ko si Lean, masinop pa ring pinamumunuan ang kalmado at mapayapang pagpapaatras, sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue – palayo ng Malacañang – ng mga inecha-puwerang demonstrador sa pagbubunyi ng pagbagsak ng diktador.
Humimpil ang grupo ni Lean sa harapan ng Far Eastern University, sa Morayta Avenue. Saka umusad muli, paatras pang lalo, tungo sa España Avenue.
Habang buong galak at siglang paparating at nagsisidagsa, sa kabilang hanay, sa kahabaan ng España, ang libo-libong marchers mula sa EDSA papasok ng Malacañang, nagsisipag-atrasan naman, ang grupong kanyang pinamumunuan.
Nang mga sandaling iyon, mababakas mo sa mukha ni Lean ang panlulumo. Wala siyang magawa kundi i-pull out ang grupo ng tinatayang 600 katao.
Lampas na ng hatinggabi, tumigil sa España ang tila nauumid na grupo ni Lean, habang pinagmamasdan ang walang-patid na pagmamartsa ng pulutong na galing ng EDSA.
Sa pagitan ng Morayta Avenue at UST, University of Santo Tomas, sa España, halos walang imik na nagsipag-disperse ang grupong kanyang pinamunuan.
SETYEMBRE 1987
Huli kong nakita si Lean sa Navotas.
Gabi ’yon ng kanyang luksang parangal.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]