TULAD ng kanilang amo at padrino, may opisyal na naman ng gobyerno at most favored crony, ang nag-feelingyero na mas mataas pa sila sa batas.
Nitong November 29, 2021, nagsampa ng libel si Energy Secretary Alfonso Cusi laban sa reporters, editors at may-ari ng media companies na sina Carlo Katigbak at Lynda Jumilla, ABS-CBN; Maria Ressa, Aika Rey, Glenda Gloria at Chay Hofileña, Rappler; Camille Diola, Rhodina Villanueva at Ian Nicolas Cigaral, Philstar; Herminio Coloma Jr., Loreto Cabañes, at Jel Santos, Manila Bulletin; Jaemark Tordecilla and Ted Cordero, GMA News Online; at Samuel Medenilla, Lenie Lectura at Lourdes Fernandez, Business Mirror.
Ang kinasuhan naman ng Davao businessman na si Dennis Uy ng libel at cyberlibel ay sina Wilfredo Reyes and Bianca Angelica Añago ng Business World, Anjo Bagaoisan, ABS-CBN; Benjamin Ramos, Business Mirror; at Rodel Rodis, private citizen na isa rin sa tatlong nagkaso kina Cusi at Uy kaugnay ng Malampaya.
Sa pamamagitan ng abogado niyang si Ruy Rondain, isinampa ni Cusi ang reklamo sa Taguig City. Samantala, sa Davao City naman nag-file si Uy.
Tungkol ito sa inireport ng media outfits noong October 18, 2021, na kinasuhan ng tatlong citizens ng paglabag sa Republic Act No. 3019 or the Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Cusi at Uy, at iba pa sa Ombudsman sa Iloilo.
Ayon kina Balgamel de Belen Domingo, Loida Nicolas-Lewis at Atty Rodil Rodis, nagsabwatan sina Cusi, Uy at iba pa, para bigyan ng maraming benepisyo at bentahe ang Udenna ni Uy nang bilhin ng negosyatne ang 45% ng Chevron at 45% ng Malampaya.
Nalugi raw ang gobyerno ng may P21 bilyon hanggang P42 bilyon sa sinasabing midnight deal na ‘yan.
Paniwala nina Cusi at Uy, malisyoso ang graft na ikinaso laban sa kanila.
Banat ni Rondain, ang pinagbasehan daw ng reporters ay press conference at press release lang.
Wala naman daw complaint na inihain sa Ombudsman at wala rin daw mismo siyang nakitang complaint.
Yo Rondain, hindi dahil wala kang kopya, e walang isinampang kaso!
Kadalasan nauuna ang mga reporter sa balita dahil sa mga ganyang press con, nabibigyan na ang media ng mga dokumento. Mainit-init pa yan.
Ang kopya sa mga respondent o kinasuhan tulad nyo ay ipinadadala sa pamamagitam ng snail mail, o mailman.
Asus, wag kang maang-maangan dahil sa tagal mo sa paglo-lawyer, alam mo na ganyan ang sistema. Mga Ka-Publiko, sa bandang ibaba neto, malalaman nyong bihasa na sa pagla-libel yang si Rondain.
In short, wrong-mali sina Cusi na walang basehan ang balita dahil ang pinagkunan ng media ng kanilang balita ay ang 44-page graft complaint nina Domingo, Rodis at Nicolas.
Sa kanyang reklamo, P200 million damages ang hinihingi nina Cusi sa bawat media outfit.
Sa dami ng kinasuhan ng libel, 17 ni Cusi at 4 ni Uy o kabuuang 21, naalala ko ang sari-saring libel cases na isinampa ni Dating First Gentleman Mike Arroyo na doble ang dami ng kinasuhang mamahayag mula 2003 hanggang 2006.
First time sa history ng pamamahayag sa Pilipinas, na kasuhan ng isang makapangyarihang tao ang 42 journalists sa kabuuang halaga na P141 million.
Sa tulong ng National Union of Journalists of the Philippines at iba pang media groups, nagtagpo, nagkausap-usap, nagkaisa at sama-samang binweltahan ng class suit si Arroyo.
Again, first time sa Philippine journalism history, na ang ganung karaming ni-libel na reporters ay nagkaso sa isang makapangyarihang tao tulad ni Mike Arroyo at humingi ng P12 milyon danyos.
Eto Fun Facts:
Ang tumayong lead counsel noon ni Arroyo at counsel ngayon ni Cusi ay iisa: si Atty Ruy Rondain. Talagang lawyer ng mga mapanupil sa malayang pamamahayag.
Ang tumayo namang lawyer ng mga mamahayag sa class suit vs Arroyo ay si Presidential Spokesman Harry Roque.
Si Cusi at Roque ay magkasama sa Cabinet ni Panggulong Duterte, though pareho silang nasa electoral politics ngayon.
Ako rin ay binantaang kakasuhan ni Mike Arroyo noong nasa Channel 5 pa ako. Pero hindi yan fun fact. Chill fact yan :(. Nakakatakot kaya ang mademanda at ma-imagine na makulong dahil lang sa nagbalita kami. Kahit banta lang yan, narerendahan ako noon na maglantad pa ng mga katiwalian sa pamahalaan.
Pero higit sa class suit, for the first time mga Ka-Publiko, noong 2008, kwinestyon ng mahigit 700 mamahayag sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng petition-signing, ang policy o patakaran ng estado sa libelo.
Nagkaisa sila at nanawagan – tanggalin na ang aspetong kriminal sa defamation act.
Ibig sabihin, pwede pa ring mag-libel.
May rekurso pa rin ang nadedehado o nasasagasaan sa mga pagbabalita – ang civil case.
Pag criminal libel kasi ay kalaboso ang reporter, pero sa civil libel ay bayad perwisyo lang.
Take note:
#JournalismIsNotACrime
Ang problema ngayon, imbes i-decriminalize, nadoble pa ang parusa rito nang ipinasa ang anti-cybercrime law o cyber libel.
Sa Rvised Penal Code, ang parusa sa libel ay anim na buwan hanggang dalawang taon at apat buwang kulong o multang P 200 hanggang P6,000, o parehong kulong na, multa pa.
Pero sa cyber o internet libel ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act, Section 6 neto – ang penalty ay prision correccional o himas rehas na apat na taon, two months at one day hanggang six years hanggang 8 taon.
Seryoso at mabangis na krimen ang cyber libel at sobrang abuso sa puntong lumalabag sa Section 4, Article 3 Bill of Rights:
“No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”
Walang anumang batas ang ipapasa na susupil sa malayang pamamahayag, etcetera.
Yarn o.
Malinaw sa 42 journalists na ni-libel ni Mike Arroyo, ang pattern o trend, na ginagamit niya ang batas para patahimikin ang media.
Walang lugar sa tunay na demokrasya ang panunupil sa malayang pamamahayag.
Ang mga balita’t impormasyon, opinyon at diskurso sa mga naglalagablab na isyung pambayan at nagbabanggaang ideya ay nagbubunsod ng matatalas na pagsusuri at solusyon.
Nabibigyan neto ng kapangyarihan o natuturuan neto ang mamamayan na maging mas ismarte at hindi nakanganga lang at bulag na naniniwala at sunud-sunuran kahit kanino.
Maaaring balikan ng media persons na dinemanda nina Alfonso Cusi at Dennis Uy ng libel, ang naging makasaysayang karanasan ng mga kasama sa trabaho na kinasuhan naman noon ni First Gentlenan Mike Arroyo.
Ito’y para makahugot ng mayayamang aral, ideya o solusyon laban sa mapaniil na defamation laws sa Pilipinas.
Pagkakataon din ito na buhayin at i-level up ng media ang kampanya para sa decriminalization ng libel.
#StopMediaAttacks
#UpholdPressFreedom