AJ Raval: Hindi po nanligaw si Diego sa akin

NAGSALITA na rin sa wakas ang kontrobersyal na aktres na si AJ Raval sa isyung may kinalaman sa relasyon ng magkasintahan na sina Barbie Imperial at Diego Loyzaga.

Sa nauna nang pahayag, inakusahan ni Barbie si AJ na gusto nitong maging “kabit” ng kanyang boyfriend na si Diego.

“Kabit po? Hindi naman po kasi natawa lang po ako, promise. Kasi parang ano na po e sunod-sunod na po ’yung issue ko ngayon… Hindi po totoo,” pagtatanggol ni AJ sa kanyang sarili nang makapanayam ni Anna Pingol sa Pika-pika Showbiz sa YouTube.

“Parang natatawa na lang po ako sa kanila. Ako, nagiging mabuti po akong tao, nagpo-focus po ako sa trabaho, wala po akong ginagawang masama. Hindi ko po alam. Masyado po akong pinag-iinitan ngayon ng mga tao,” ani AJ kasabay ang paglilinaw na hindi sila naging magkarelasyon ni Diego.

“Si Diego po, hindi po, never po nanligaw si Diego sa akin. Wala po kaming naging relationship ni Diego. One time ko lang po siyang nakasama, sa set pa po ng ‘Death of a Girlfriend.’”

Itinanggi rin niya na siya ang source ni Xian Gaza sa tsismis tungkol sa relasyon diumano niya kay Diego.

“Wala po akong idea saan po galing ’yun kasi ba’t naman ako magpi-feed kay Xian ng tungkol sa akin, e ‘di parang pinahamak ko po ’yung sarili ko?” dagdag pa nito.

Pakiusap niya sa dalawa: “Sana po huwag na po nila akong idamay kasi po unang-una, sila po ’yung magkarelasyon. Hindi po ako kasali są relationship nila. Kaya dapat ayusin po nilang dalawa ’yun kasi wala naman po talaga ako sa relasyon nila. Hindi po ako kasali.”