Dapat bang paniwalaan ang pag-endorso ng mga artista?

PASINTABI sa mga nasa showbusiness, pero sa panahon ngayon, gusto kong isipin na mas mautak na ang mga botanteng Pilipino para magpadala pa sa mga artistang nag-eendorso ng mga kandidato.

Una sa lahat, kundi man lahat, karamihan sa mga artista o celebrities na ito ay binabayaran para gawin ang pag-endorso. Scripted din ang lahat ng sasabihin nila na naaayon sa dikta ng kandidatong magbabayad sa kanila.

At dahil nakatitiyak tayo na malaking halaga ang ibinabayad sa mga celebrity na ito at hindi barya-barya lang, nakasisiguro rin tayo na babawiin ito ng pulitiko sa oras na masungkit niya ang puwestong tina-target niya.

Siyempre, hindi rin mawawala ‘yung mga pagsisinungaling na kunyari ay hindi naningil si artista ng bayad para makaiwas sa babayarang tax at para hindi rin magmukhang gumastos nang malaki si pulitiko. Win-win situation.

May isang eleksyong nagdaan kung saan halos lahat ng artistang tumakbo ay nanalo.

Marami sa kanila ang nagpakita ng kagalingan sa larangan ng serbisyo-publiko at hanggang ngayon ay nasa pulitika pa rin.

Pero sa sumunod na eleksyon, tila nagising din ang mga botante nang matalo ang mga artistang nagsitakbuhan na kinabibilangan pa ng mga kilalang personalidad sa showbiz.

Nagkaroon din ng panahon kung saan napaka-epektibo ng pag-endorso ng mga artista sa kandidato. Pero depende rin sa artista kung may kredibilidad ba ito.

Ngayon, eleksyon na naman at nariyan na naman ang mga artista na siguradong kakagat sa mga alok ng endorsement dahil na rin sa dalang ng proyekto dulot ng pandemya.

Nasa sa atin nang mga botante ang pagde-desisyon at pagsuri kung ang isang kandidato ay karapat-dapat sa ating mga boto.

Sa ganang akin, sa totoo lang, hindi dapat paniwalaan ang pag-endorso ng mga artista. Bukod kasi sa bayad sila para gawin ‘yun, ni hindi natin alam kung sila ba mismo ay bilib sa kandidatong ineendorso nila kapalit ng pera o kung iboboto ba nila talaga ito.

Hindi rin matibay na batayan ang pag-endorso ng isang artista dahil sa totoo lang, hindi sila otoridad pagdating sa pagsasabi kung ang isang kandidato ay may magagawa o gagawing maayos pag-upo sa puwesto. Bayad nga sila para purihin ang kandidato, di ba?

Mas dapat pa nating paniwalaan ang mga personalidad na kilala sa larangan ng pulitika at may karapatang magsalita kung ang isang kapwa pulitiko at kandidato ay mainam para sa bansa.

Sila ang may sapat na kaalaman at karanasan na humusga kung sino ang talagang makatutulong sa bansa at para isaaalang-alang nila ang kanilang mga pangalan, reputasyon at pagkilala ng constituents para lang mag-endoso ng kapwa kandidato o pulitiko, hindi nila ito gagawin nang walang matibay na batayan.

Sa mga tumatakbo sa pagkapangulo, maganda rin sigurong pagtiyagaan ninyong pakinggan ang talumpating ibinigay ng bawat isa sa kanila para malaman kung sino sa kanila ang may tunay na konkretong plano para sa bayan at kung sino ang walang laman ang mga pinagsasabi.

Suriin din natin kung sino sa kanila ang puro “motherhood statements” ang pinagsasasabi. Ito po ‘yung mga uri ng pangungusap na pangkaraniwan nang sinasabi ng mga kandidato nang paulit-ulit pero wala namang tukoy na programa.

Kumbaga, parang “I want world peace” na pahayag ng mga kandidato sa beauty contest. Inaasahang marinig ng lahat, pero walang kaakibat na tunay na aksyon at solidong plano. Parang latang walang laman.

Tingnan natin ang mga nagawa ng isang kandidato lalo na sa panahon ng pandemya. Ke nakapwesto o hindi ang kandidato, maraming paraan upang makatulong sa kapwa kahit pa ikaw ay isang ordinaryong mamamayan kaya hindi pupuwedeng ikatwiran na wala siyang naitulong dahil wala siyang puwesto.

Bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang lugar na dapat kalagyan. Ang artista, sa telebisyon o pelikula, hindi para sumawsaw pa sa pulitika, liban na lamang kung siya mismo ay tumatakbo.

Para gamitin ang kasikatan upang utuin ang mga botante na iboto ang isang hindi karapat-dapat na kandidato kapalit ng bayad na siya lang ang makikinabang at kesehodang magdusa ang bansa, huwag naman sana. Konting konsensiya lang.

Sa mga botante naman, ‘wag pauto. Kinabukasan ng bansa ang nakasalalay. Habang sa susunod na anim na taon ay magpapasasa ang artista sa ibinayad ng kandidato sa kanya, lahat kayo ay ano? Nganga dahil tanga?!?



(Jokjok from Rowena Santiago of Antipolo, Rizal)

Misis: Bakit ngayon ka lang?

Mister: Pasensha na, nagyaya mga officemates ko, nagkainuman lang. Hehe! Hik!

Misis: Lasing ka no?

Mister: Ako, lashing? Hindi ah! Hik!

Misis: Anong hindi?! Ala ka namang trabaho, pano ka nagka-officemates? Ungak!



DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0919-0608558.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]