BIGLANG naging instant “Maritess” o tsismoso at tsismosa ang ilang miyembro ng Kamara makaraang pumutok ang balita tungkol sa pagiging adik ng isang mambabatas.
Usap-usapan kasi sa apat na sulok ng pulitika pati na rin ng showbiz ang bisyo ng isang bagito at super rich na kongresista.
Sinabi ng aking spotter na hindi shabu kundi mamahaling cocaine ang tinitira ng mambabatas na ito.
Naalala ko tuloy ang kwento sa isang media executive na halos masira rin ang ulo dahil sa paggamit ng cocaine.
Pinagtatawanan ng kanyang mga tauhan ang media executive na ito dahil sa pagiging lutang tulad na lamang ng kongresista na bida sa ating column ngayong araw.
Ako ay naniniwala na higit na mas marami sa mga kongresista natin ang matitino pero nasisira ang kanilang pangalan dahil sa iilan na pasaway at sangkot sa mga ilegal na gawain tulad ng illegal drugs.
Sinabi ng aking spotter na dapat ay magkaroon rin ng biglaang drug test sa Kamara para magkaalaman na.
Tama ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isalang sa drug test ang mga artistang bibigyan ng proyekto pero maganda rin na isama dito ang mga tao sa gobyerno tulad ng mga appointees at elected officials gaya ng mga mambabatas.
Kung nais natin ang matinong lipunan unahin ang paglilinis ng kapaligiran laban sa illegal drugs.
Balikan natin ang kwento sa mambabatas na tumitira ng cocaine.
Kamakailan sa isang mamahaling hotel sa Taguig City ayon sa aking spotter ay namigay pa raw ng droga si Cong sa ilan sa kanyang mga kaibigan bago dumalo sa isang malaking event ng mga celebrities sa lugar.
Kilalang malapit sa showbiz si Sir dahil sa dami ng kanyang mga ka-deal na artista dahil sa kanyang mga negosyo.
Maliban pa rito ang pagkakaroon niya ng isang super sikat na girlfriend.
Sino nga ba ang kongresistang ito? Aba madali lang malalaman kung maisasalang sa drug test ang ating bida, di na kailangan ng clue.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]