Communist-inspired

HAPPY at struggling International Working Women’s Day!

Nakikiisa rin tayo sa malawakang welga ng mga driver.

Para sa akin, nagtagumpay  sila sa unang araw pa lang.

Ipinapakita kasi nila ang nagagawa ng mamamayan kapag sila ay nagkakaisa at sama-samang kumikilos.

Pero para kay Sara Duterte, “communist-inspired at pointless” eme eme lang ang pinaputok na transportation strike.

Wala siyang alam sa sinasabi at ginagawa niya, naturingan pa namang Kalihim ng Department of Education o DepEd. Nakakahiya.

Una, mismong ang DepEd ay ipinagdiriwang ang Women’s Month sa pambansang tema na “WE (Women and Everyone) for Gender Equality and Inclusive Society”. 

Pero hindi ba niya alam na ang mismong kasaysayan ng Women’s day celebration sa buong mundo at ng United Nations ay may socialist origins?

Ang unang naiulat na Women’s Day celebrarion ay February 28, 1909 sa New York City at inorganize ng Socialist Party of America na isinulong ng aktibistang si Theresa Malkiel.

March 8, 1917 naman ang makasaysayang demonstrasyon ng mga kababaihang manggagawa sa textile industry sa Petrograd o St. Petersburg, Russia.

Dinemand nila ang “Bread and Peace” –  tapusin na ang World War 1, food shortages at czarism.

Czars o Tsars ang namumuno noon sa pamamaraang diktadurya sa Russia.

Dapat alam ni Sara D na ang kilos protesta ng mga kababaihan nung 1917,  bukod sa may socialist origins,  ay siya ring siga  na nagpasimula ng naglalagablab na Russian Revolution.

Maraming pag-aaklas at demonstrasyon ng mga kabanaihan sa iba-ibang parte ng mundo ang pumutok sa mga sumunod na panahon.  

Pagdating ng 1977,  official na idineklara ng United Nations General Assembly ang March 8  bilang pagdiriwang ng mga karapatan ng kababaihan at pandaigdigang kapayapaan. 

Ibig sabihin, ang global observance na ito ay inspired ng paglaban ng kababaihan laban sa pagsasamantala ng kapital o negosyo sa mga manggagawa.

Pangalawa,  ang mga unang paglaban sa sistema ng pang-aabuso at pagsasamantala ay mas matanda pa sa Women’s Day celebration –  nauna pa ng limang sentenaryo sa 1917 – wala pang komunismo.

1215,  era na dominanteng umiiral ang feudal system,  nag-insureksyon ang English barons laban sa pag-aalipin sa kanila ng malalaking panginoong maylupa.

Ang barons ay medyo nakaaangat na uri sa lipunan noong feudal past bilang chief tenants na sunud-sunuran sa kanilang amo kapalit ng mga lupaing maipamamana nila sa mga susunod na henerasyon.

Ibig sabihin hindi pa nailalabas ang communist manifesto ni Karl Marx nung 1848, nagrerebelde na ang mga tao at nananawagan ng hustisya.

Ang mga demonstrasyon o welga ay sinimulan hindi ng mga komunista, kundi ng mga taong pinagsasamantalahan ng malalaking panginoong maylupa.

Legit ang anumang pagkilos protesta ng mga taong nagugutom, walang trabaho; kung may trabaho man – ay dinadaya at niloloko ng mga kapitalista.

Legit ang mga rally kung may hinanaing ang bayan sa mga pinuno ng gobyerno at puro pagnanakaw lang ang ginagawa sa kabang yaman.

Legit ang mga welga kung sinasamantala at inaalipin sila ng mga kapitalista.

Pangatlo,  ang binabansagan ni Sara D na communist-inspired na transport strike ay ginagarantiya ng saligang batas bilang fundamental human rights sa Article III (Bill of Rights), Section 4,:

“Walang batas na ipapasa na susupil sa karapatan ng tao na umaksyon ng mapayapa at ilabas ang kanilang mga hinanaing.”

(No law shall be passed abridging the right of the people to peaceably assemble and petition the government for redress of grievances.)

Kaya paalala kay Sara Duterte – BASIC ang karapatang mag-welga. LEGIT at LEGAL.

Puno ka g DepEd kaya dapat alam mo yan\\

Communist-inspired man yan, naglunsad ito ng malalaking pagbabago sa lipunan, mas naging makatao ang pagtrato sa maliliit at mahihina lalo na sa mga kababaihang tulad mo.

Dapat,  suportahan, respetuhin at aksyunan mo ang welga, at ituro sa mga kabataan na tama ang magdemonstrasyon dahil nasa constitution ito.

Nakalulungkot at ikaw pa unang naglalaglag sa mga mahihirap, sa mga karapatan nila at susupil sa malayang pagkilos.