ITO ay isang kwento tungkol sa isang gusgusin at palaboy na aso.
Isang araw, habang naglalakad-lakad sa kalsada at naghahanap-hanap ito ng makakain sa mga basurahan ay biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Minabuti nito na sumilong panandali sa labas ng isang bahay na hindi kalayuan sa kalye.
Sumilip siya sa puwang ng pinto ng bahay at napansin n’yang napakaraming tao sa loob.
Merong ilang kumakanta, at may ilang nakatayo sa bawat poste, at ang karamiha’y taimtim na nakikinig sa isang may-katandaang lalaking nakatayo sa entablado at may hawak itong mikropono.
Dala ng likas na pagkamausisa, pinilit niyang isiksik ang kanyang payat na katawan sa pinto hanggang sa tuluyan siyang nakapasok sa loob.
Pumuwesto siya sa isang tabi at nagmamasid-masid sa paligid.
Magaling magsalita ang lalaking nasa entablado. Nangangaral at sa bawat salitang kanyang sinasabi, ang lahat ay tumatango sa pagsangayon. Bawat pagpapahayag ng lalaki, tila koro ang tugon ng karamihan.
Walang kamalay-malay ang gusgusing aso na ang kanyang napasukan pala ay isang kapilya.
At muling kumanta ang buong kawan ng mga mananamba.
Kakaibang pakiramdam ang dala ng kanta’t himig—at para sa aso, ang kanyang narinig na musika ay tila duyan sa kalangitan.
Dahil sa kakaibang emosyong bumabalot sa loob ng kapilya, ‘di nito mapigilang umungol at umalulong ng napakalakas sa kasiyahan.
Nagulat ang lahat. Tumigil sa pagkanta ang koro. At ang buong kawan ng mananamba ay napatingin sa likuran kung saan nakapuwesto ang isang napakadungis at mabahong aso.
Nagalit ang pastor. Nag-utos ito na hanapin at ilabas ang aso.
Biglang nagbago ang timpla ng kapaligiran. Ang dati’y tahimik at taimtim, ay biglang naging malinggal at maingay.
Narinig ng pobreng aso ang mga ‘di kaaya-ayang salita—at ipinamukha sa kanya ng mga mananamba ang ginawa niyang panggagambala.
Tinawag siyang bugasok ng pastor.
Sinisi siya ng mga matatanda kung bakit nahinto ang koro.
May ilang hindi nagsalita, ngunit ramdam na ramdam ang kanilang pagkainis sa aso.
Samu’t saring salita ang maririnig—ngunit walang anumang hakbang ginawa ang pastor para sawayin ang mga tao.
Itinaboy at tinadyakan ng tatlong lalaki ang kawawang aso papalabas ng kapilya, pero walang ni isang mananamba ang pumigil sa kanila.
Nakayuko habang naglalakad, maaaninag ang hiya sa mga mata ng pobreng aso.
Nagpasya na lamang ito na magpatuloy sa paglalakad hanggang magawi siya sa pamilihang bayan.
Pumunta ito sa likuran ng palengke kung saan naroroon ang mga tambak ng halu- halong basura—nangangamoy, nabubulok.
Nininerbyos pa rin ito’t nanginginig habang nangangalahig. Nang walang mahanap na makakain, naisipan nitong pumasok sa kusina ng isang karinderia.
Nakabig niya ang pitsel sa mesa at aksidenteng nahulog ang ilang plato sa sahig.
Mabilis na pumunta ang mga tauhan sa kusina para tingnan kung anong nangyari.
Ipinikit na lamang ng aso ang kanyang mga mata—umaasang sisipain at hahatawin siya ng mga tao.
Sa halip, nilapitan siya ng mga ito para tingnan kung may mga basag na bubog ang tumagos sa kanyang paa’t binti.
Humingi ng paumanhin ang kusinero at nilinis ang kanyang madudungis na paa.
Ang isa nama’y pinulot ang mga pira-pirasong bubog at pinunasan ang basang baldosa.
Naawa ang may-ari ng karinderia sa hitsura ng aso.
Nagpahanda ito ng makakain ng aso, at binigyan din ito ng maligamgam at malinis na inuming tubig.
Iniutos ng may-ari na ito’y paliguan—at gamutin ang mga sugat sa kanyang katawan.
Noong araw ding ‘yun nagpasya ang may-ari ng karinderia na kupkupin at alagaan na lamang ang ulilang aso.
Makalipas ang ilang linggo, nanumbalik ang katawan ng dating gusgusing aso— makisig, masigla.
At mula noon, ayaw na nitong dumaan pa sa kalsadang malapit sa kapilya.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang mga mapagkunwari ay “nakamaskara” bilang mga taong may takot sa Diyos. Mga mapagkunwari na nangangaral ng mga turo ng Panginoon, ngunit nagpapabaya sa pagsunod sa mga turo para sa kanilang sarili.
Tayo ay likas na relihiyoso. Ngunit mayroong mga indibidwal na sadyang ipokrito at pakitang-tao. Relihiyoso, ngunit ‘di Maka-Diyos. Maamo, ngunit ‘di makatao.
Hindi lamang mga relihiyoso at mga nangangaral ng salita ng Diyos ang ipokrito dito sa mundo—naririyan din ang mga artista’t politiko at iba pa na may dalawang mukhang ipinapakita sa harap ng mga tao.
Ito ang realidad ng buhay at lipunan. Ito rin ang realidad sa ating mga Pilipino.