PAPUNTA na nga ba tayo sa exciting part sa mga nangyayari sa ating bansa?
Nitong mga nakaraang araw, maraming ganap sa ating bansa, lalo na sa larangan ng pulitika.
Unahin muna natin ang good news.
Magiging maaga na ang pasukan sa mga paaralan nitong darating sa school year 2024-2025. Ang pasukan ng mga estudyante mula Kindergarten hanggang Senior High School ay magsisimula sa July 29, 2024.
Bagama’t magtatapos ito sa April 15, 2025, hindi na aabutin ng buwan ng Mayo kung saan naitatala ang pinakamainit na panahon.
Buti naman at nakinig ang liderato ng Department of Education (DepEd) sa hiling ng mga magulang, estudyante, mga guro, at iba pang apektadong nasa sector ng edukasyon.
Pag-usapan naman natin ang nakakainis na, nakakairita pang mga balita.
Unahin natin ang kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sino ang hindi maiinis sa taong ito? Walang makuhang maayos na sagot sa kanya sa sinasagawang hearing ng Senado hinggil sa kanyang pagkakasangkot sa Philippine Offshore Gaming Opeation (POGO) at sa kanyang pagkatao.
Nagpe-play victim na nga siya ngayon. Akala ko tutulo luha niya sa hearing at sa isang interview sa kanya. Hindi naman siya mukhang nakaka-awa. Pero, mukha talaga siyang Chinese. Pati sa pananalita, mahahalatang may “accent” siya. Napag-aaralan naman kasi lahat ng languages, pero ang tiyak ay hindi matatanggal ang orihinal na “accent” sa kanyang pananalita.
Kailangan niya kasing maka-relate sa masa kaya ang kanyang kwento ay anak siya ng isang labandera at home schooled siya dahil kapos sa pera.
Nakalimutan din yata ni Mayor Guo na mahal ang home schooling. Kunsabagay, mukhang may sakit na kalimot itong si mayora dahil marami siyang hindi matandaan hinggil sa buhay niya.
Pinalalabas niya na simpleng buhay lang meron siya, pero may helicopter siya. Mamahalin ang mga gamit niya, mula damit hanggang sa mga alahas, bag at sapatos.
Ang dami kong kilalang simple ang buhay, kasama na ako dun, pero wala kaming helicopter.
Maraming conflicting statements din itong si mayora sa mga sagot niya sa lahat ng tanong sa kanya. Kumbaga ay, mukhang scripted ang kanyang mga tugon sa tanong ng mga senador.
Hangga’t hindi niya napapatunayan na tunay siyang Pilipino, patuloy na pagdududahan ang kanyang totoong citizenship.
Ang isa pang nakaka-inis at nakaka-iritang balita ay ang drama ni Senador Ronald Bato dela Rosa sa naganap na pagpalit ng liderato sa Senado.
May paiyak-iyak pa siya gayong bomoto pala siya para matanggal si Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President at palitan ni Senador Chiz Escudero.
Yung inakala ni Zubiri na kakampi niya, hindi pala. Yung pinagtanggol pa niya, pero siya pa ang nag-traydor sa kanya.
Tama nga yung kasabihan sa politika, wala kang permanenteng kaibigan, kundi permanenteng interes.
Para naman kay Sen. Dela Rosa, dahil parte siya ng majority, happy ending pa rin sa kanya. Alam naman natin na pag kasama sa majority block sa Senado, magagandang committee ang nahahawakan.
Marami pang mangyayari ngayong papalapit na ang midterm elections sa 2025.
At para sa ating mga miron, kaabang-abang kung ano ang magiging gimik ng mga politikong muling tatakbo.