Ano ang mahalaga, mall o ayuda at libreng gamutan vs COVID-19?

Una sa lahat, belated happy birthday to Steve Dailisan, spokesman of Air Asia Philippines. Greetings come from friends and his Air Asia family.


MARAMING ‘butas’ ang mga kiyaw-kiyaw tungkol sa isyu (isyu nga ba?) ng Divisoria property na kinatatayuan ngayon ng isang mall.

Una, nakapagtataka ang napaka-delayed reaction ng mga nagrereklamong manininda sa nasabing mall. Sabi nila, nakatanggap sila ng liham mula sa Market Administration office noong Nobyembre 11, 2020 at ipinagbigay-alam sa kanila na isasara ang Divisoria Public Market simula Enero 31, 2021 upang bigyang-daan ang pagtatayo ng gusali.

Taong 2020 at Enero 2021 pa ang mga sinasabing petsa. Pero take note. Bakit ngayon lang sila nagrereklamo? Hindi masyadong halata na may kinalaman sa eleksyon huh!

Ikalawa, pilit pinalalabas na idinadawit daw ni Mayor Isko Moreno mismo ha, ang pangalan ng namayapang Mayor Fred Lim sa isyung ito.

Ha??? Ilabas sana nila ang ebidensiya dahil ni minsan, ni sa hinagap ay walang binanggit si Mayor Isko na Mayor Lim dahil wala naman itong kinalaman sa isyu.

Sa totoo lang, ang katangi-tanging nabanggit ay ang yumaong si Mayor Mel Lopez, Jr. Pero hindi rin ito binanggit para lamang siraan siya o sa paraan na tipong binabastos siya. Paano ba nag-umpisa ang lahat at humantong sa pagkakabanggit tuloy kay Mayor Lopez?

Kinuwestyon ng kampo ng anak ni Mayor Lopez na tumatakbo para sa isang mataas na posisyon sa Maynila ang naganap na pagbebenta ng lungsod sa naturang mall sa halagang P1.4 billion.

Dahil diyan, minabuti ni city administrator Felix Espiritu na bungkalin ang records para sagutin ang mga katanungan ng umaakusa.

Dun na ngayon lumitaw na noon palang Marso 1992 ay pumasok si dating Mayor Lopez sa kontrata upang ipa-renta ang 8,000 square-meter property na kinatatayuan ng nasabing mall. Ayon sa kontrata, ang renta ay P20 per square meter kada buwan sa loob ng 25 taon, na may 10 percent increase sa upa kada tatlong taon. Sa 25 taon, ang nakulekta lamang ng pamahalaang-lungsod ay mahigit P57 million o wala pang P3 million kada taon.

Sa paliwanag ni Espiritu, itinali ng kontrata ang mga kamay ng lokal na pamahalaan na itaas ang renta nang naaayon sana sa panahon.

Ngayon, nang dumating ang pandemya, iniatang ng gobyerno sa mga local government units ang pag-asikaso sa mga pangangailangan ng bawat lungsod.

Napakaraming utang na iniwan sa Maynila na kinailangang bayaran ng administrasyon ni Mayor Isko gaya ng sa SSS at GSIS ng mga empleyado. Walang pumapasok na pera sa kaban dahil sarado ang lahat ng negosyo at ang buong ekonomiya pero tuloy-tuloy ang mga gastusin ng lungsod.

Dahil diyan ay kinailangang maghanap ng pera ang lungsod. Inirekomenda ng Asset Management Committee ang pagbenta ng mga pag-aari ng lungsod na hindi napapakinabangan at diyan na lumitaw ang Divisoria property bilang ‘under-performing’ o hindi kumikita nang naaayon sa dapat, dahil nga nakatali sa kontratang epektibo sa loob ng 25 taon.

Mula sa napagbentahang salapi ay naipatayo ang Manila COVID-19 Field Hospital na may kapasidad na 344-kama; nakabili ang lungsod ng mga kinakailangang equipment o gamit para sa anim na ospital na pinatatakbo ng lungsod na ginamit sa pagpapagaling sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID; nakabili ang lungsod ng mga refrigerated na pasilidad para paglagakan ng lahat ng uri ng bakuna para sa COVID-19 at nakapagbigay din ng ayuda na may kabuuang P2,000 para sa 700,000 pamilya sa lungsod. Nakapagbigay din ng kabuuang food boxes sa loob ng walong buwan para sa parehong bilang ng pamilya sa buong Maynila.

Sa kasagsagan ng pandemya ay problema rin ang RT-PCR tests o swab tests, dahil bukod sa napakamahal ay napakatagal din ng resulta dahil na din sa dami ng nagpapa-test. Kailangan pang dalhin sa mga pasilidad ng national government ang specimen ng testing na isinagawa sa mga ospital ng lungsod at madalas, patay na ang pasyente ay ni hindi pa malaman kung positibo ba io sa COVID o hindi, dahil kapag positibo ay hindi maaring iburol at dapat ay pinaki-cremate agad.

Dahil diyan ay bumili ang Maynila ng sariling makina at nagtayo ng sariling laboratory nang sa ganun, ang mga taga-Maynila ay malalaman kaagad kung sila ay positibo o hindi, sa sandaling magpa-test. Libre rin ang RT-PCR testing sa Maynila na binuksan ni Mayor Isko hindi lamang para sa mga residente kundi maging para sa mga hindi taga-Maynila.

Ilan lang ‘yan sa mga pinaggamitan ng perang galing sa bentahan ng nasabing property na may kaukulang pagsang-ayon mula sa Commission on Audit.

Ngayon, eto ang magandang katanungan para sa mga nagrereklamo: Ano ba ang mas mahalaga? ‘Yung mall o sikmura at kaligtasan ng mga taga-Maynila laban sa COVID-19? May naitulong ba kayo nung kasagsagan ng pandemya ni isang latang sardinas man lang o piso para sa pangangailangan ng mga residente???

May kasabihan nga, kung hindi ka rin lang makakatulong, huwag ka na lang maging perwisyo.



DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]