HABANG binabaybay ko ang magkarugtong na expressway na TPLEX at SCTEX noong nakaraang linggo ay napagawi ang aking pansin sa isa pang expressway na patungong silangan ng Tarlac.
Ngayon ko lang nabatid na tapos na pala ang Phase 1 ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) na magkokonekta sa Tarlac at Nueva Ecija. Kapag natapos ang Phase 2, tuluyan nang magkokonekta ang 66.4 km Tarlac City at Cabanatuan City na may apat na lane. Sa ngayon kasi ay hanggang sa bayan ng Aliaga pa lang natatapos ang CLLEX at sinisimulan na ang konstruksyon ng phase 2 ngayong taon.
Sa bandang Clark naman, bukod sa natapos na ang passenger terminal ng Clark International Airport, inuumpisahan na rin ngayon ang paggawa ng depot ng North South Commuter Railway sa loob mismo ng bakuran ng Clark International Airport na, kapag natapos, ay magtutuloy hanggang sa Tutuban sa Manila at Calamba City.
Mas mabilis na di hamak ang itinatayong commuter railway na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency dahil bukod sa modern ang train system ay elevated ang riles nito. Ang phase 1 ng proyekto ay magmumula sa Tutuban hanggang sa Malolos habang ang phase 2 na kasalukuyang sinisimulan na rin ay magmumula sa Clark hanggang sa Malolos.
Ang mga railway system na itinatayo ngayon ay siyang magkokonekta naman sa mga elevated railway system sa Metro Manila kaya’t ang bilis ng pag byahe ay inaasahan sa mga darating na mga taon. Sa kasalukuyan din kasi ay itinatayo na ang extension ng South Luzon Expressway na aabot hanggang Quezon habang sinisimulan na rin ang subway system na magkokonekta sa mga pasahero ng Valenzuela at Quezon City sa airport at financial centers at iba pang lugar sa south ng Metro Manila.
Matagal nang planong gawing isang economic hub ang Clark, ang dating base militar ng US, dahil ang development ng lugar ay nagsimula noong panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Mas napabilis ang development ng lugar nang simulan noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagtatayo ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na siyang nagsemento sa Clark bilang sentro ng economic activity ng Central Luzon.
Sa ngayon kasi, ang Clark Freeport Zone ang pangunahing lugar sa Luzon bukod sa Metro Manila na dinadayo ng mga international investors at doon nga ay itinayo na din ang iba’t ibang factory na ang mga produkto ay ini-export natin.
Ang mabilis na pag-unlad ng Clark at ang pag develop nito kasama ang Subic bilang service logistics corridor ay naka attract ng napakaraming investors at dinagsa ng mga trabahador ay malaking bagay sa ating economic recovery dahil bukod sa pagbilis ng koneksyon sa loob at labas ng Central Luzon, pinabilis din nito ang daluyan ng produkto, pagdagdag ng mga bagong industriya at pag promote ng turismo.
Noong 2007, itinatag ni Gng. Arroyo ang Clark Freeport Zone na nasa pangangalaga na ngayon ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) habang ang Clark International Airport ay na develop at inaasahang makakakuha ng mahigit 14 milyong passenger capacity.
Halos 15 taon mula ng i-modernize ang Clark, makikita mo kapag ikaw ay nagpunta sa lugar na hindi mo iisiping nasa Pilipinas ka. Ang plano kasi ng mga policy makers natin ay palakihin pa ito at palawakin at gawing growth corridor ng Southeast Asia at economic hub ng Asya.
Ang dating Clark Main Zone ay umaabot lamang sa 4,400 hectares kasama na ang dating Clark Air Base at ngayon ay umaabot na ito sa 32,000 hectares dahil kasama na sa development nito ang ilang lugar sa Pampanga at Tarlac. Ang bagong Clark ngayon ay halos kalahati ng laki ng Singapore.
Bukod kasi sa airport hinati na iba’t ibang zone ang Clark dahil nariyan na ang ngayon ang Clark Industrial City, Clark Freeport Zone, Clark International Airport, Clark Global City at New Clark City.
Nalagay sa radar ang New Clark City sa Bamban matapos itong pagdausan ng 2019 ASEAN Games. Ito rin ang napupusuang maging government center bukod sa iba pang commercial development sa lugar.
Ang sabi nga ng mga development planner na nagtataguyod ng mas modernong Clark ay intensyon din nito i-decongest ang Metro Manila dahil sa sobrang laki na ng populasyon nito.
Maging ang mga local government sa paligid ng Clark ay nag benepisyo rin sa pag-unlad ng economic zone kaya’t halos lahat sila ay suportado ang mga proyekto ng national government.
Ang major development na ito sa Philippine aviation ay nagbunsod sa ibang foreign airlines at operators katulad ng Emirates Airlines at Qatar Airways na pumasok sa Clark International Airport .
At dahil sa bilis ng development ng Clark isa na itong matatawag na ang Pampanga na isang megalopolis (o megapolis) na kinabibilangan ng mga mauunlad na city cluster na magka konekta.
Iniulat ng ng Clark Development Corporation na dahil sa bilis ng development sa lugar umabot na sa P245 bilyon ang total investment kahit na sa kalagitnaan pa tayo ng pandemya. Ang development na ito ay nagtulak ng economic growth sa bansa at sa katunayan tayo ngayon ang nangunguna sa mga bansa sa ASEAN na may mataas na economic growth ngayong taon.
Ang construction boom sa lugar ang nagpataas ng investment sa Central Luzon sa kabila ng pandemya.
Bukod sa mga industriya, pinaplano din ng gobyerno ang pagpapalakas ng Science City sa Munoz , Nueva Ecija at ang mga bayan sa tabi nito bilang isang moderno at maunlad na agroplis dahil dito balak itayo ang sentro ng food production, agri-industrial at agricultural research.
Kasabay ng development na ito ay ang P1.02 trilyon na ginugol ng pamahalaan sa infrastructure ngayong taon na halos katumbas ng 5 porsiyento ng ating GDP at dagdag na P1.25 trilyon sa 2022, o katumbas ng 5.7% ng ating GDP.
Ang challenge na lang sa susunod na administrasyon sa ngayon ay kung paano masu sustain ang growth rate, ang pagtuloy sa mga flagship infra programs na may mataas na economic benefits lalo na sa Central Luzon. Isama mo na din ang patuloy na pagdevelop ng manufacturing sector, turismo, pag restructure ng agricultural sector, pag improve sa kundisyon ng ng mga trabahador sa BPO sector, telecoms at iba pang infrastructure programs sa iba pang panig ng bansa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]