ANG Don Bosco Training Center at football field sa Barrio Magsaysay, Tondo, Maynila, ay hindi maaaring hindi maging bahagi ng buhay ng isang genuine na batang Tondo.
Isa itong pilas ng pahina sa alaala ng mga batang lumaki sa Tondo. Mahigit 50 taon na ang nakararan nang magmarka rito ang unang pagbisita ng Santo Papa sa bansa.
Nakakintal pa sa isip ang isang alaala…
Mainit, maalikabok, habang nagsisiksikan ang mga tao sa hanay na kinabibilangan ng isang nanay na kilik ang isang 4-anyos na anak sa kanang braso, at hawak ang isa pang anak na 7-anyos sa kaliwang kamay. Parehong babae ang dalawang bata.
Sa kabilang hanay naman, naroon ang mga lalaking nakakaki, nakapila at nakaharang sa mga taong may dalang malalaking papel o karton na may hawakan at may nakasulat na malalaking letra o plakard. Minsan bigla silang magsisigawan habang itinataas ang hawak nilang mga karton na may malalaking letra.
Mulagat ang mata, nakakunot ang noo ng 4-anyos na batang kilik ng nanay. Tila nagtataka, natatakot, o nababanas sa init ng panahon.
Maya-maya pa, biglang magsisigawan ang mga tao at parang lalong humigpit ang bawat pagitan ng mga lalaking nakakaki.
May lumapag na parang malaking tutubi mula sa langit tapos nagsigawan ang mga tao, “Nandiyan na ang Santo Papa!”
Biglang humigpit ang kilik ng nanay sa anak na 4-anyos, sabay hila palapit sa kanya, sa 7-anyos na anak na hawak sa kamay. Lumakad nang mabilis hanggang tumakbo papunta sa lugar na matatanaw niya nang buo ang Santo Papa — si Pope Paul VI.
Nangyari iyon noong 29 Nobyembre 1970. Isang araw (28 Nobyembre) pagkatapos ng ika-36 kaarawan ng inang may kilik at hila-hilang anak na pawang babae.
Sabi noon ng nanay, hindi man siya nakahalik sa singsing ng Santo Papa, gaya ng hinahangaang si First Lady Imelda Marcos, para na rin siyang nabasbasan sa kanyang kaarawan nang kanyang masilayan ang maamong mukha nito.
Si Pope Paul VI o si Giovanni Battista Enrico Antonio Maria Montini, nanungkulan sa Vatican mula 1963-1978, ang Santo Papa na nagwasiwas ng radikal na pagbabago sa loob ng simbahang Katoliko sa Vatican City, Rome, Italy sa pamamagitan ng mga encyclical na ang pinakamalapit sa puso ng mahihirap ay Humanae Vitae, 25 Hulyo 1968; Populorum Progressio, 26 Marso 1967; at ang Vatican II Documents.
Itinanghal siya, kinilala at itinala sa kasaysayan bilang Santo Papa na kumalinga sa mahihirap na tao. Dumating sa bansa si Pope Paul VI sa panahon na katatapos manalanta ng bagyong Yoling.
Ayon sa mga artikulong nabasa paglaon, sa kanyang pagbisita sa Tondo, hinanap niya ang inakala niyang pinakamahirap na pamilya — nakatira sa barong-barong na pinagtagpi-tagping karton, kalawanging yero, at mga pinulot na kahoy.
Matapos malaman na isang construction worker ang padre de familia, may walong anak, na ang tatlo ay tumutulong sa kabuhayan ng pamilya sa pagtitinda o pagpapakatulong, binasbasan niya ang bawat isa at sinabing magdasal ng Aba Ginoong Maria.
Nagdasal sila, at ayon sa ina ng pamilya, nakita niyang lumuha ang Santo Papa habang sila ay nagdarasal.
Bago umalis, dumukot ang Santo Papa sa kanyuang bulsa at iniwanan ng $500 ang pamilya.
Mula noong 1970 hanggang 2015, ang Pilipinas ay apat na beses dinalaw ng mga Santo Papa mula sa Roma. Dalawa sa kanila ay ganap nang Santo.
Noong 14 Oktubre 2018, si Pope Paul VI at si Pope John Paul II ay hinirang na Santo sa kanonisasyon ni Pope Francis. Ang nasabing tatlong Santo Papa ay pawang dumalaw sa Pilipinas.
Tuwing naaalala ng batang kilik ng kanyang nanay ang pagdalaw ni Pope Paul VI sa Tondo Foreshore Land (na paglaon ay makikilalang Barrio Magsaysay) maiisip niya — siguro nga — sa Tondo man ay may langit din.