Sikat na aktor tatakbo sa 2022 pero ayaw munang lumutang, takot sa trolls

Kapag panahon ng halalan nagpapalit ng papel sa buhay ang ilang mga pulitiko at mga artista.

Maraming mga pulitiko ang nag-aastang artista.

Merong mga nagda-drama sa entablado, may mga sumasayaw at kung anu-ano pa para lamang makakuha ng atensyon ng publiko.

Sa kabilang banda ay marami namang mga artista ang biglang nagbibigay ng opinyon sa current issues samantalang ang iba naman ay nag-aasta pa bilang mga political analyst.

Bagama’t pumu-posisyon na sa kampanya ang isang sikat na actor ay nananatiling tahimik ito sa kanyang mga galaw at hindi rin siya maingay sa social media tulad ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa showbiz na gustong tumakbo sa 2022.

Ayaw kasi ng ating bida na maging easy target siya ng mga trolls na pwedeng makadiskaril sa kanyang ambisyon.

Sinabi ng aking spotter na gustong maging kongresista ng actor at papalitan niya sa pwesto ang isa ring actor na ngayon ay last termer na bilang mambabatas.

Ang secret weapon ng ating bida ay ang kanyang sikat na girlfriend na tiyak raw na hahatak ng boto sa kanilang distrito dahil sa lawak ng fan-base nito.

Idagdag pa rito ang kanyang sikat rin na super mom na nasa likod niya para sa kanyang ambisyon na maging miyembro ng kamara.

Ang tanong na lamang ng kanyang mga nasasakupan ay kung anong batas naman kaya na mapapakinabangan ng publiko ang kanyang isusulong o aamuendahan sakaling makatsamba ito at manalo sa susunod na halalan.

Di na natin kailangan ng maraming clue dahil sikat na sikat ang tisoy na actor na ito at sikat rin ang kanyang girlfriend na dating kabilang sa isang sikat na loveteam na pang-tanghali.