GINUGUNITA natin ang nagsiyao nang mga mahal natin sa buhay ngayong All Souls’ Day. Ito ang ritwal ng paggunita at pagpaparamdam sa ating yumao nang mahal sa buhay.
Patuloy natin silang naaalala at inaalayan ng ating pagmamahal. Sa sementeryo, nagbabaon tayo. At ’pag oras na ng kainan, may plato ring puno ng pagkain ang ating yumao. Ilalagay natin ang pagkain sa harapan ng kanyang puntod. Magtitirik tayo ng kandila. Mag-aalay ng bulaklak.
Sa ating mga kababayan, maaaring kabilang sa ating inaalayan ng ating paggunita, pagmamahal, at paggalang ang ating mga magulang, kapatid, kabiyak, anak, apo, tiyahin, tiyuhin, lolo, lola, at maging mga ninuno. Ang ating mga kaibigan. At mga kasama. Pati na ating mga kababayan.
Sakmal pa rin ang iba’t ibang bahagi ng mundo ng pandemyang dulot ng COVID-19. Patuloy pa rin sa pag-mutate o pagbabagong-uri ang virus. Kaliwa’t kanan ang mga nagaganap na pagpanaw na dulot ng pandemya.
Pandaigdigan ngayon ang ating paggunita ng All Souls’ Day.
Pinaslang
Subalit huwag nating kalimutang libo-libo ang sinawi ng malawakan, organisado, at sistematikong pamamaslang na hayagan at paulit-ulit na ipinag-utos at ipinanawagan ni Pangulong Duterte mula nang ideklara ang kanyang pagkapanalo bilang presidente sa halalan noong Mayo 9, 2016. Sa ating kasaysayan, hindi kailanman naganap ang ganitong uri ng kahayupan na ipinag-utos ng mismong bagong halal na presidente.
Bagama’t hindi na bago sa atin ang bagsik ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ginimbal pa rin tayo ng nasaksihan nating walang kapantay na kalupitan sa saklaw at lawak, sa igting at bangis. At lantaran pa man din.
Tulad ito ng isinagawang pamamaslang na ipinag-utos din umano ni Duterte noong mayor pa siya ng Davao – riding-in-tandem, salvaging.
Nararapat lamang nating gunitain ang nangasawi at mga biktima ng huwad, di-makatao, at kontra mamamayang “digmaang kontra droga” na ipinamamarali ni Duterte. Patuloy niyang pinagtatakpan sa tulong ng kanyang matataas na opisyal ang kanyang crimes against humanity.
Higit pa rito, nararapat nating ipagluksa, Bayan, na sinawimpalad tayong magkaroon ng pangulong walang konsyensyang sumasaksak sa puso ng ating Inang-Bayan.
Sa maikling panahon, pinabaha niya ang dugo ng sambayanang Pilipino.
Pagbibigay-galang
Ngayong All Souls’ Day, kinikilala natin silang nauna nang pumalaot sa kabilang buhay.
Pagbibigay-galang kay GrandMaster Choa Kok Sui – ang ating pinagpipitaganang spiritual guru. Si Master Choa ang may-akda ng mga makasaysayang aklat na tulad ng Miracles through Pranic Healing, The Spiritual Essence of Man, at SuperBrain Yoga.
Pagpupugay sa ating dakilang human rights champion – si Senador Jose “Ka Pepe” Diokno, dating detenidong pulitikal, founder ng Free Legal Assistance Group (FLAG), at unang pinuno ng Commission on Human Rights. Gayundin kay Senador Lorenzo Tañada, ang tinaguriang “grand old man of Philippine politics”. Kay Chito Gascon, ang kalilisan lamang na chairman ng CHR.
Sa mga musikerong bahagi ng ating kabataan – saludo kina Joey “Pepe” Smith at Wally Gonzales ng Juan dela Cruz Band.
Pagbibigay-galang sa aking guro sa political science at history – si Professor Benjamin Bolivar ng Manuel Luis Quezon University.
Kay Professor Mary Mitchell ng Indiana University Robert H. McKinney School of Law.
Sa larangan ng makabayang panitikan, kamakailan, pumanaw si Dr. Bienvenido Lumbera.
Pagkilala rin kay Lilia Quindoza Santiago, makata, guro, at essayist.
Kay Rogelio Sikat, Rogelio Mangahas, Edgardo Reyes, Romulo Sandoval, Maningning Miclat, at Mario Miclat.
Binibigyang-galang din natin si Romy Gacad, ang batikan nating photojournalist.
Paggunita sa ating mga kaibigang peryodista na sina Angelo Rilles (Bulletin Today), Joy delos Reyes, Jimmy Perez, at Manny Velasco ng Ang Pahayagang Malaya.
Kay Neil Doloricon, kaibigan at kasama bilang henyong editorial cartoonist ng The Manila Times.
Sa sinumang di ko nabanggit…
Walang kalabitan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]