Charter change at pagtakbo ni Sara sa next election: Testing the water

UMAALAGWA na ang pusisyunan para sa mid-elections sa 2025 at presidential elections sa 2028.

Ang latest na nagdeklara ng pagkandidato ay si Vice President Sara Duterte nito lang Lunes, January 22, sa flag-raising ceremony sa Bgy Bago Gallera, Davao City.

Paliwanag ni Sara, mukhang hindi na raw kasi tatakbo ang dalawa niyang kapatid na lalaki –  Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Hindi naman niya sinabi kung anong position ang tatakbuhan nya.

Pwedeng lumakas ang loob niyang kumandidato matapos lumabas ang Pulse Asia survey noong January 8.

Sa survey na isinagawa December 3-7,  nadagdagan ng isang porsyento ang 74 percent approval rating niya kumpara sa 73 percent, September.

Nagtitiwala naman ang 78 percent ng sinarbey kay Sara mula sa dating 75 percent, September 2023.

Nauna riyan, nanawagan si Ilocos Norte Rep at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos sa kanyang party mates sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na mag-field sila ng 12-strong senate slate para sa 2025 mid-term election.

Giit ni Sandro, “kailangan nating mag-double time,”  at tiyakin ang winning Senate slate na itataguyod ang mga advocacy ng Marcos administration.

Sa kaso ni Sara, alam ng marami na kailangan nilang manatili sa poder.

Ito’ para patuloy na maproteksyunan silang mag-ama at mga kasabwat sa pinaka-notorious at deadliest na drug war sa Philippine history at hindi makaladkad sa detention cell ng International Criminal Court sa The Hague. 

Bukod pa riyan, kailangan nilang buwagin ang anumang banta na balikan at imbestigahan ang mga anomalya ng pamilya Duterte at ng mga ahensya ng gobyerno noong si Digong pa ang presidente.

Kasama riyan ang multi-billion Pharmally scandal sa panahon ng pandemic, Malampaya sale sa crony na si Dennis Uy, PhilHealth corruption, “pastillas” scam ng Immigration, P6.4 billion illegal drugs mula China na nadiskubre sa warehouses sa Valenzuela City nung 2017; P11 billion illegal drugs na natagpuan sa apat na magnetic lifters sa General Mariano Alvarez sa Cavite; at pasabog din yung P2.6 billion confidential funds ng Davao City nung mayor pa si Sara Duterte.

Pinakasariwang anomalya na nga ang nahalungkat na P51 billion unprogrammed funds na ibinigay sa distrito ni Paolo Duterte nung presidente pa ang tatay na ayon kay Ako Bicol Party-list Rep, Elizaldy Co ay inaasahan nyang para sa flood control projects pero ang mga pagbaha ngayon sa Davao ay sa distrito ni Paolo.

Kaya hindi nakapagtataka na Top priority ng mga Duterte ang maging malaya sa bangungot na bitbit ng ICC, mga anomalya nila sa gobyerno at gamitin ang posisyon nila sa gobyerno para ito ay pagtakpan at takasan.

Maski kinausap na ni Senador Bato Dela Rosa si Marcos Jr., hinamon pa rin niya ang gobyerno na sabihin ang totoo kung pinayagan na nilang mag-imbestiga ang ICC.

Kahapon Martes, January 23, sa ambush interview, inulit ni Marcos Jr na hindi nila kinikilala ang ICC jurisdiction.

Pero ang nakakatakot at nakakairita sa mga Duterte ay ang pusisyon ng gobyerno at ni Marcos Jr., na papayagan nilang pumunta sa Pilipinas ang ICC investigators pero hindi sila makikipagtulungan.

Ito’y sa gitna ng kumakalat na balitang nagpunta na sa bansa ang ICC investigators nitong December.

Open kasi sa speculation ang statement ni Marcos.

Sa mga naunang column, binanggit ko na gagamiting leverage o panakot ng Marcos camp ang ICC para hindi makaporma sa pulitika ang Duterte camp.

Pansin naman na masyadong ninenerbyos ang mga Duterte at kung ano-anong pangongontra at pagbatikos nila sa mga aksyon ng gobyerno.

Isa na rito ang pagsusulong ng Charter Change o Chacha.

Hindi tulad ng Kamara na hawak na ng Marcos camp ang overwhelming majority ng miyembro ng Kamara, ang Senado ay pumupusturang independent maski hindi naman.

Kaya kunwari nag-opensiba ng People’s Initiative ang mga alyado ni Marcos Jr sa kamara.

Nagpamudmod sila ng barya-barya sa mga tao para pumirma sa People’s Initiative (PI).

Dahil sa balitang ito, nadismaya raw si Marcos Jr at ipinauubaya na sa Senado ang Charter Change.

Kahapon, Martes, nagkaisa raw ang lahat ng 24 Senators at tinutulan ang People’s Initiative.

Pag pinayagan kasi ang PI, boboto bilang indibidwal ang 24 Senador kaya mababale-wala ang independence nito at matatalo ng dami ng kongresista sa mga botohan sa mga probisyon na babaguhin sa Constitution.

Economic provisions lang daw ang gustong baguhin ng mga Senador.

Malalaman mong laro lang ang mga ito sa Exclusive Interview ni Pia Arcanghel ng GMA Integrated News kay Marcos Jr. kagabi Martes, January 23.

Sa kanilang interview, sinuma ng Kapuso Network ang sinabi ni Marcos Jr na mapatataas ang economic activities ng bansa kapag naamyendahan ang saligang batas.

Mukha ngang suma-swak sa pusisyon ng Senado.

Pero sa isyu ng political amendments partikular sa term extension, bukas si Marcos Jr na amyendahan ang political provisions pero hindi pa sa ngayon.

May biglang pagsuporta sa political amendments.

Para ma-substantiate ang stand niya sa political amendments, inihalimbawa ni Marcos Jr ang pagkandidato nilang pamilya sa Ilocos Norte.

After three terms, hindi na raw sila pinapayagang tumakbo, halimbawa, bilang mayor.

Kaya anak nya ang kakandidato at siya naman ay tatakbong vice mayor.

Kaya raw may tawag sa kanila na mayor vice.

Para palalimin pa ang punto niya, nag-cite siya na sa US, merong states na may term limits pero meron ding wala.

Ibig sabihin ba, pinadadama tayo na kunwari mas gusto nyang Senado magsagawa ng pag-aaral sa Chacha dahil pareho silang focused lang sa economic provisions?  Pwede.

Komento nya sa announcement ni Sara D na tatakbo ulit sa eleksyon – testing the water.

Hindi ba’t testing the water din ang People’s Initiative at pagpabor sa Senado na tumutok sa Chacha?

Kapag pumanig ang public opinion kay Marcos na focused lang daw sa economic amendments, pwede tayong mabudol dyan at sa kalagitnaan ng proseso ng charter amendments ay ipasok ang term extension.

Ideally,  hindi ba dapat independent sa isa’t isa ang executive at legislative branches?

Yes, pero sa reality, hindi naman yan nangyayari.

Lalo na kapag ang mga pinuno ng bansa ay mga interes na isinusulong para manatili sa poder.

Dyan pumapasok ang papel ng Amerika at China na nagkikiskisan ngayon para sa regional influence at kapangyarihan na matagal nang dominado ng Amerika..

Inaalog ng China ang malawak na impluwensyang pulitikal at militar ng US at Western allies sa Indo-Pacific region.

Battleground nila ang South China Sea, partikular ang West Philippine Sea.

Susi sa US interests ang laban ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito’y dahil sa lahat ng claimants sa South China Sea, Pilipinas lang ang may legit na paninindigan at karapatan sa territorial waters at exclusive economic zones na sakop ng bansa batay sa landmark decision ng Permanent Court of Arbitration nung 2016.

Kaya todo ang suporta ng US kay Marcos Jr at kailangan silang mapanatili sa Malacañang  para matiyak na mapangangalagaan ang political at economic power nila sa region.

Hindi nila papayagan ang Pro-China Duterte camp na manaig pa ulit sa pulitika ng Pilipinas na isinusuka ang Amerika.

Kaya kailangan talagang harangin  ng Duterte camp ang consolidation sa power ng Marcos camp na tinatrabaho nina Liza Marcos at Romualdez bago pa sila ipamigay sa ICC.

Ang hamon, ang kalakhan ng civil society, people’s organizations, middle at left of center ay  nakapusisyon kontra Cha cha pero meron ding civil society na kumakagat sa inilalakong Chacha.

Kakaiba ang magiging galawan papuntang 2028.

Malakas ang malangsang amoy ng proxy elections na darating. Bakbakan ng dalawang tutang naghaharing-uri: Ang Marcoses na hawak ng US at Dutertes na tuta ng China. Walang itulak-kabigin dahil gusto mong itulak pareho sa impyerno kung may powers lang tayo.

Kaya importante na maging mapagmatyag, mapagsuri at decisive na umaksyon ang taumbayan batay sa kanilang kapakanan.

Ito’y bago pa tayo madiktahan at mapamunuang muli ng mga lumang kapangyarihan na nagpapabango at nagkukunwaring makamasa.

Napakahirap dahil hanggang sa ngayon,  walang maayos-ayos, charismatic at winnable personality na sumusulpot para umagaw ng atensyon ng madlang pipol at ipanalo hanggang makaupo sa pwesto. 

Asa pa ba?

Wala pa ring putok na isyu na pwedeng maging mitsa ng panibago at mapagpasyang pag-aaklas ng taumbayan. 

Nakakagalit nga na habang nagbibida-bida sa pulitika ang mga ruling elite, mahigit 12 sa bawat 100 pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom sa huling tatlong buwan ng 2023.

Base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nung December, 12.6 percent ng pamilyang Pilipino ang sumalang sa involuntary hunger – yung magutom ka tapos wala ka namang makain – ng kahit isang beses sa mula November hanggang December 2023.

Hintayin pa bang magkandamatay ng dilat dahil sa gutom ang marami bago mamulat at umaksyon?