SINO sa inyo ang hindi pa nakasakay sa tradisyunal na jeepneys?
Sino naman sa inyo ang nakasakay na sa modernized na jeepney na hindi hugis jeepney?
Tingin ko lahat tayo ay nakasakay na sa tradisyunal na jeepney at sa modernized na jeepney na hindi hugis jeepney.
Kung ako ang tatanungin, pipiliin ko ang tradisyunal na jeepney na sakyan, ano mang oras.
Aminado naman ako na minsan hindi komportable ang sumakay sa tradisyunal na jeepney, lalo na kung siksikan ito o umuulan o hindi na malambot ang foam ng upuan.
Bagama’t mas komportableng sumakay sa sasakyang may aircon, gaya ng mga modernized na sasakyan na pamalit sa mga jeepneys, iba pa rin ang pakiramdam nang natural na hangin. Yun lang, mangangamoy usok tayo.
Sa katapusan ng buwan na ito, sa Enero 31, 2024, hindi na pwedeng pumasada ang mga driver o operator ng tradisyunal na jeepney na hindi kasapi ng kooperatiba.
Makatarungan ba ito? Syempre, HINDI.
Ipinipilit kasi ng gobyerno na sumali sa kooperatiba ang lahat ng jeepney operator o driver kahit pa tutol sila rito.
Ang pagpilit ng gobyerno na sumali sa isang kooperatiba ang mga jeepney operators at drivers ay bunsod ng Department Order (DO) 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Kailangan daw kasi mag-consolidate ang mga operator “to strengthen the CASA – convenient, accessibility, safe and secure, and affordable” program.
Mas marami rin daw ang mabibigyan ng trabaho gaya ng mga mekaniko, dispatchers, administrative staff at mawawala na ang boundary system.
Maganda ang layunin ng DO. Pero, nakinig ba ang mga ahensiya ng gobyerno na mag-implement ng order na ito?
Napakinggan ba ng Department of Transportation at ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board ang hinaing ng mga operator at driver bakit tutol sila sa consolidation?
Hindi tutol ang mga operator at driver sa modernisasyon. Tutol sila sa ginagawang pagpilit ng gobyerno na mag-consolidate at sumama sa kooperatiba.
May mga operator na, driver pa ng sarili niyang jeepney. Iisa ang unit niya. Inutang ang pambili para mapasakanya ang unit at hindi mag-boundary. Pinaghirapan.
Pag sumali sila sa consolidation, hindi sa pangalan nila mare-rehistro ang sasakyan, bagkus, ay sa pangalan ng kooperatiba. Tingin nila ay lugi sila sa ganito.
Isa pa, masyadong mahal ang isang unit ng modernized jeepney na hindi mukhang jeepney na nagkakahalaga ng higit P1 milyon hanggang P2 milyon o higit pa. Maliit din ang ibibigay na subsidy ng gobyerno.
Nito lang mga nakaraang araw, lumabas sa balita na ang Francisco Motors ay may ino-offer na unit na nagkakahalaga lamang ng P985,000 sa unang 1,000 unit. Ngunit bahagyang tataas ang presyo ng P1.1 milyon sa susunod na 4,000 unit. Mas mura pa rin ang presyo nila kumpara sa mga unit na bibilhin sa ibang bansa.
Ang Francisco Motors ay pioneer na sa paggawa ng tradisyunal na jeepney at subok nang matibay.
Nandiyan pa rin naman ang iba pang lokal na jeepney manufacturers. Sana, sa kanila na magpagawa at di na sa ibang bansa. Makakatulong pa sa job generation para sa mga Pilipino.
Iconic, ‘ika nga, ang tradisyunal na jeepneys. Tanging sa Pilipinas lang mayroon nito.
Maraming bilang ng mga driver ang mawawalan ng hanapbuhay pag hindi na sila nakapag-renew ng franchise. Ang ilan sa kanila ay tumanda na bilang mga driver at wala nang ibang alam na trabaho.
Sana naman, sa nalalabing panahon, ay makinig ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Junior.
Hindi yung “Ah basta, sumunod kayo.”
Tapos na ang panahon ng diktaturya. Tapos na ang panahon ng pilitan.
Ito na ang panahon para ipakita ng nakaupong pangulo na nakikinig siya at tunay na may malasakit.
Pero sana isama rin sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan ang seminar para sa mga driver kung paano magbaba at magsakay ng pasahero sa tamang lugar. May tamang training ang mga driver sa road safety at courtesy.