MAGIGING mas epektibo nga ba ang bagong kurikulum na planong ipatupad ng Department of Education (DepEd) sa susunod na pasukan?
Sa bagong kurikulum, magkakaroon ng pagbabago sa mga ituturong subject.
Sa kasalukuyang kurikulum, may pitong subjects na itinuturo na kinabibilangan ng Mother Tongue, Filipino, English, Mathematics, Araling Panlipunan, MAPEH o Music, Arts, Physical Education, Health, at Edukasyon sa Pagpapakatao.
Sa bagong kurikulum, limang subjects ang ituturo mula Kinder hanggang Grade 3. Ito ay ang Language, Reading and Literacy, Mathematics, Makabansa, GMRC o Good Manners and Right Conduct.
Sisimulang ituro ang bagong kurikulum sa mga mapipiling pilot school ngayong school year 2023-2024 bago ito i-implement sa lahat ng paaralan sa mga susunod na taon.
Pabor ito sa mga estudyante dahil hindi na sila matatambakan ng asignatura at mga project.
Ngunit kailangan pa ring pagtuunan ng pansin ng DepEd, sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte, ang kakulangan ng mga silid-aralan, maayos na pasweldo sa mga guro, at ang bumababang kalidad ng edukasyon.
Nitong nakaraang dalawang taon, sa kasagsagan ng pandemya, mapapansin natin na marami sa mga estudyante ang hirap magbasa at kulang ang pag-intindi kahit na nakapasa sa kanilang grade level.
Mababago kaya ito ng bagong kurikulum?
Kailangan natin ng mga batang ma-improve ang kanilang comprehension o pag-intindi at pag-unawa sa mga aralin.
Sa laki ng pondo na hinihingi ng DepEd para sa 2024 na nasa P924.7 bilyon, makaka-asa kaya tayo na magkakatroon ng improvement sa departamento?
Naka-isang taon na sa pwesto si Duterte bilang DepEd Secretary at inaabangan ang mga polisiya na ilalabas pa ng kanyang departamento.
Subali’t napansin ng mga kapwa ko magulang na ayon kay VP Duterte, ang edukasyon ay kadikit ng national security. Magka-ugnay umano ang edukasyon at national security.
Napa-isip ako sa sinabing ito ng DepEd Secretary.
Ayon kay Duterte, “nakapahalaga na we mold children who are patriotic, children who will love our country and who will defend our country.”
Sa aking pananaw, kusang mamahalin ng isang bata ang kanyang bayang tinubuan kung tama ang mga ituturong aralin, gaya ng totoong naganap sa kasaysayan ng ating bansa na sinulat ng mga akademikong historyador.
Tandaan natin na may mga impormasyong kumakalat na ginawa ng mga “revisionist” at pilit na pinalalabas na mga tunay na pangyayari. Marami ang nabudol ng mga historical revisionist.
Ang pagiging makabayan ay hindi ipinipilit.
Ang pagtatanggol sa bayan ay nagiging kusa lalo na sa oras ng pangangailangan.
Hindi ba’t trabaho na ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na labanan ang mga masasamang elemento? Kailangan pa bang sumawsaw ang DepEd sa trabaho ng ating mga pulis at sundalo?
Malaking halaga ang P150 milyon confidential fund na hiningi ng DepEd.
Marami nang mapaggagamitan ng halagang ito.
Sana lang ay hindi ito magamit sa korapsyon.
Ngunit para na rin akong humiling ng isang imposibleng milagro.