NAGBABALA ang Palasyo sa publiko laban sa mga scammer na nag-aalok ng posisyon sa gobyerno.
Ito’y matapos ilang biktima ang pumunta sa Malacanang para umano dumalo sa oath taking noong Disyembre 5, 2022.
Sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara na walang nakaiskedyul na panunumpa at nabiktima ang mga ito ng fraudster.
Nagpakilala umano ang isang Undersecretary Eduardo Diokno at Assistant Secretary Johnson See, mula sa Office of the Executive Secretary para sa isasagawang oath taking.
Inamin naman ng mga biktima na nagbayad sila ng malaking halaga sa mga scammer kapalit ng posisyon kabilang na ambassadorial post sa The Netherlands, Department of Transportation assistant secretary, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) board member, Clark International Airport Corporation (CIAC) president at chief executive officer (CEO), Early Childhood Care and Development Council executive director at vice chairperson, Clark Development Corp. (CDC) director at Port of Batangas manager.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil dito.