NAIS ni Sen. Robin Padilla na gawing special non-working holiday ang anibersaryo pagkatatatag ng Iglesia ni Cristo (INC) na Hulyo 27.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes hinggil sa panukalang batas, sinabi ni Padilla na nararapat lamang na gawing holiday ang founding anniversary ng INC para alalahanin ang ambag nito sa bansa sa nakaraang 110 taon.
“Sa kasalukuyan, ang INC ay may internasyunal na miyembro kabilang ang 151 na racial at ethnic backgrounds. Mayroon po itong halos 7,000 na kongregasyon at misyon na nakagrupo sa lampas 178 ecclesiastical districts sa iba’t-ibang bansa at hurisdiksyon sa buong mundo,” ulat ni Padilla, isang Muslim.
“Ang nais po ng panukalang ito ay bigyang-daan ang milyun-milyong mga miyembro ng INC kapilya upang magkaroon ng angkop na selebrasyon at pagbabalik-tanaw sa mahalagang araw na ito sa kanilang kasaysayan,” dagdag ng actor-turned-politician.
Inihayag din niya na nasaksihan niya ang magagandang misyon ng naturang relihiyon.
“Nakita ko ang kanilang lingap ‘di lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Nasaksihan ko po ang para sa akin ay very godly na mga misyon ng INC, hindi lang po sa Kristiyano kundi sa mga Muslim,” wika pa ni Padilla.
Itinatag ni Felix Manalo ang INC sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.