INANUNSYO ng National Police na lutas na ang pagpatay sa brodkaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Ayon kay Southern Police District director Brig. Gen. Kirby John Kraft, natukoy at nadakip na ang mga suspek at ang “utak” na lamang ang kanilang inaalam.
“Actually, nalutas na po natin ito dahil meron na tayong na-identify na mga suspek at meron na rin tayong nasa kustodiya natin, at higit sa lahat, na-file na natin ang kaso. Ito nga lang po, tinutuloy-tuloy pa rin natin ang imbestigasyon nito,” ani Kraft.
Bago ito, inihayag ng National Bureau of Investigation na walang foul play sa pagkamatay ni Crisanto Villamor Jr., ang itinuturong middle man sa pagpatay kay Mabasa.
Lumabas sa pagsusuri, ayon sa NBI, na sakit sa puso ang ikinamatay ni Villamor.
Inginuso si Villamor ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na umano’y nag-utos sa grupo nito upang itumba si Mabasa.
Samantala, sinabi ni Kraft na binabantayan ng mga otoridad ang ikalawang umano’y middleman sa kaso na si Christopher Bacoto na nakadetine sa Bureau of Jail Management and Penology.
Binaril at napatay si Mabasa habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng gate ng BF Resort Village, Las Piñas City noong Oktubre 3.