SINABI ni Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez na inaasahang aabot na lamang sa P100 hanggang P150 kada kilo ang presyo ng sibuyas sakaling dumating na ang 21,060 metric tons na imported na sibuyas.
“Babalik tayo sa paghiwa, doon iiyak hindi sa presyo. Ako po na-iiyak sa haba ng interview dahil sa sibuyas, napakahaba na ng panahon,” sabi ni Estoperez.
Nauna nang inihayag ni Estoperez na inaprubahan na ni Pangulong Bongbong Marcos ang importasyon ng 21,060 metric tons na sibuyas para mapababa ang presyo sa merkado.
“Hindi natin malaman kung P100 to P150 ang cap sa retail price, dini-determine pa natin ang presyo ng ating mga importers galing sa mga countries, at yung cost of production bago magkaroon ng cap sa presyo,” dagdag ni Estoperez.
Inaasahang darating ang mga imported na sibuyas sa Enero 27, 2023.