ITITIGIL pansamantala ng Maginhawa Community Pantry ang pamimigay at pagtanggap ng mga produkto para sa mga naapektuhan ng quarantine makaraang i-red tag sa ilang social media pages ng pamahalaan at i-harass ng mga pulis ang pasimuno nito.
Ayon kay Anna Patricia Non, ang organizer ng Maginhawa Community Pantry, ihihinto muna ang kanilang operasyon dahil nangangamba siya sa buhay niya at ng mga volunteers.
Sa post sa Facebook, sinabi ni Non na:
“Malungkot po dahil hindi muna maipapamahagi ang goods na inihanda namin buong maghapon dahil po sa #RedTagging na nagaganap. Mabigat sa pakiramdam ko kasi maganda po ang intentions ko noong binuo ko ang #CommunityPantry at ilang araw na din po na napakaraming pinagsisilbihan nito at ganun din po ang tulong na dumadating.”
“Sigurado po maraming tao po ang pipila sa amin bukas pero kailangan po muna nila maghintay sa susunod na araw bago po ito maipamahagi. Lalo na po at nagkaproblema kanina ang ibang Community Pantry sa mga kapulisan,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Non na natatakot na siyang magpunta sa community pantry nang madaling araw.
Giit niya pa: “Walang basehan ang paratang sa amin. Gusto ko lang po talaga makatulong at sana po ay huwag nyo masamain.”
Humingi na rin umano siya ng tulong kay Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil may tatlong pulis na nanghihingi umano ng kanyang numero at tinatanong kung sa anong organisasyon siya kasapi.
Nag-post ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng mga graphics sa Facebook page nito na iniuugnay ang community pantry sa mga komunista.
Maging ang Quezon City Police District ay mayroon ding kaparehas na graphics sa FB page nito.