Lolo patay sa bugbog ng apo

DEAD on arrival sa pagamutan ang 81-anyos na lolo na ginawang punching bag ng apo niyang lulong sa droga Lunes ng gabi sa Sta. Ana, Maynila.

Nagtamo ng matinding sugat sa mukha at katawan si Jesus Rivera na hindi na umabot ng buhay sa Sta. Ana Hospital.

Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na si Reymart Tanghal. Tumakas ang apo nang duguang bumagsak sa lupa ang kanyang lolo.

Base sa imbestigasyon, nagising si Tanghal nang marinig na minumura ang kanyang ama ni Rivera alas-8:30 ng gabi.

Nang lumabas ng bahay ang matanda ay sinundan ito ni Tanghal at ginulpi.

Nakita rin ng mga kapitbahay kung paano ihampas ng suspek ang ulo ng matanda sa pader.

Tumigil lamang ito sa ginagawa nang awatin ng ina niya.

Tumakas ang suspek habang dinadala ang biktima sa ospital.

Hinala ng pulisya, matagal nang may galit ang suspek sa biktima dahil pananaway nito sa kanyang pagdodroga.