KINONTRA ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pahayag ng Department of Agriculture (DA) na may kakulangan sa suplay ng baboy, sa pagsasabing umaapaw ang mga cold storage facilities ng imported na frozen na baboy.
Tinawag pa ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet ang mga nagpapakalat ng kakulangan ng suplay ng baboy na economic saboteurs.
“Unprecedented ang laman ng mga bodega. Hindi bumababa, palaki pa nang palaki ang mga laman ng cold storages, beyond their capacity,” sabi ni Cainglet.
Idinagdag naman ni SINAG Chairman Rosendo So na ngayong linggo lamang umabot na sa 110 milyong kilo ng baboy ang nasa mga cold storage.
“Marami pang nasa reefer vans ang nakapila. Wala nang paglagyan ang mga imported pork,” dagdag ni So.
Nauna nang sinabi ni Bureau of Animal Industry (BAI) Livestock Research and Development Supervising Science Research Specialist Lani Plata Cerna na may bahagyang kakulangan sa suplay ng babot, sa pagsasabing 95 porsiyentong sufficient lamang ngayong huling quarter kumpara sa 121 porsiyento sufficiency level noong third quarter.