Business permit ng pabrika na nagbayad ng barya sinuspinde

SINUSPINDE ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng Nexgreen Enterprise na pinasahod ng barya ang isa nitong empleyado.


Ayon kay Gatchalian, napag-alaman din na hindi nagpapasweldo nang tama ang Nexgreen Enterprise sa kanilang mga manggagawa, kabilang si Russel Mañoza, na nagreklamo ukol sa sinahod niyang P1,056 na puro tig-5 at 10 sentimos.


Sinabi ng alkalde na may kulang pang mahigit P55,000 ang Nexgreen kay Mañoza sa overtime at holiday pay.


Hindi naman kinontra ng may-ari ng pabrika na si Jasper So ang reklamo at humingi rin ito ng paumanhin kay Mañoza.


Inirason ni So na hindi sinadyang ibigay kay Mañoza ang mga barya. Aniya, ang mga coins ay ibinibigay niya umano sa kanilang simbahan.


Ilan sa mga paglabag ng Nexgreen, ayon sa pamahalaang lokal, ang mga sumusunod: napaso na mayor’s permit; pagbabayad ng barya sa mga empleyado; hindi pagbabayad ng tamang minimum wage; hindi pagbabayad ng overtime at holiday pay, night shift differential, at hindi pagre-remit ng hulog sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG ng kanilang manggagawa.


Binigyan ni Gatchalian ang kumpanya ng 15 araw para ayusin ang mga isyu.


“Failure to do so will esult in the permanent closure of Nexgreen,” aniya.