SISIMULAN bukas ang pamimigay ng ayuda sa mga maaapektuhan ng enhanced community quarantine sa Metro Manila, ayon sa Department of Social Welfare and Development.
Ani DSWD spokesperson Irene Dumlao, sa ilalim ng memorandum na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ididiretso sa mga local government units ang pondo para sa ayuda.
Kapag naisyu na ang circular at notice of cash allocation (ngayong araw), maaari na itong ipamigay ng LGUs kinabukasan, dagdag ng opisyal.
“Depende po iyan sa mga local government units how they will execute or what mechanisms they will adapt para po mapabilis ‘yung distribution na gagawin nila,” paliwanag ni Dumlao.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pamimigay ng ayuda na P1,000 kada indibidwal pero hindi lalagpas ng hanggang P4,000 kada pamilya. –A. Mae Rodriguez