INIHAYAG ni Metro Manila Council chairman at Paranaque Mayor Edwin Olivarez na sisimulan sa Miyerkules ang pamamahagi ng ayuda sa mga residente ng National Capital Region na naapektuhan ng enhanced community quarantine.
“Sa Miyerkules po ng umaga, magsisimula po lahat, simultaneous po. Magsisimula na po ang pamimigay ng ayuda sa mga apektado ng implementasyon ng ECQ yung ating ng 16 cities and one municipality,” sabi ni Olivarez.
Aniya, ito ang napagkasunduan ng mga alkalde nitong Sabado.
Idinagdag ng opisyal na ibibigay ang ayuda sa pamamagitan ng electronic wallet at face-to-face distribution.
Kasabay nito, sinabi ni Oivarez na kulang ang naibigay na budget sa ilang lungsod, kabilang ang Paranaque.
“May kulang po na 48,000 na beneficaries. Kung P1,000 each po yan, P48 milyon po ang kulang. Ganoon din po sa iba pang LGUs,” ayon pa kay Olivarez.
Aniya, nangako si Interior Secretary Eduardo Ano na isasama ang kakulangan sa supplemental budget para sa Laguna matapos naman itong ilagay din sa ECQ.
Nauna nang naglabas ang Department of Budget and Management ng P10.89 bilyon para sa ayuda sa Kalakhang Maynila. –WC